Guwapong hunk actor sinisimot ang sukli ‘pag nagpapabili sa staff nanay ng singer-actress bilang ang regalo ng fans sa anak

Tawa nang tawa ang isang grupo ng mga beki nang bumangka sa kanilang kuwentuhan ang isang dating staff ng isang variety show ng isang malaking network.

Matagal din itong nagtrabaho sa produksiyon, alam na alam nito ang mga kaartehan ng kanilang mga artista, lalo na ang mga kuwento ng kakuriputan ng mga personalidad na kumikita nang limpak-limpak sa kanilang mga raket.

Kuwento ng source na bumabangka, “Malaking-malaki ang kinikita ni ____(pangalan ng isang guwapong hunk actor), sikat kasi siya, isang song lang niya, napakalaki na ng talent fee niya!

“Pero alam n’yo ba na kapag nagpapabili siya ng kahit ano lang sa mga utility, e, talagang kinukuha pa niya ang kabarya-baryahang sukli sa ipinabili niya? Ganu’n siya kakuring, kahit Pasko, hindi niya naaalalang regaluhan man lang ang mga inuutusan niya tuwing nagso-show siya!” umpisang kuwento ng source.

Ikalawang kuwento. Tungkol naman ito sa dakilang mommy ng isang sikat na female performer, matindi rin ang kanyang talent fee, milyon ang kinikita ng singer-actress sa kanyang mga concert.

“Ibang klase ang kakuringan ng mommy ni ____(ang pamosong singer-actress). Napakamatandain niya! Alam niya ang mga inireregalong pagkain ng mga fans ng anak niya!

“Kunwari, may nagpadala ng cake, suman, puto, pancit at kung anu-ano pang lafang sa dressing room ng daughter niya, bilang na bilang niya ‘yun, alam niya kapag may gumalaw!

“Sasabihin niya, nasaan na ‘yung ganito at ganyan? Nu’ng minsan nga, e, galit na galit siya, ‘Bakit apat na lang itong tamales, nasaan ang isa, sino ang kumain sa inyo?’

“Walang makasagot! E, nakasalang sa production number ang anak niya. Nu’ng bumalik na sa dressing room ang girl, ang sabi niya, ‘Mommy, huwag n’yo silang pagalitan! Ipinakain ko ang tamales sa isang staff na nandito kanina.’

“Nakakaloka! Pati isang tamales lang, malaking issue na para kay mommy! Grabe siya, panglibro ang kakuringan niya, promise!” tawa pa nang tawang kuwento ng source sa umpukan ng mga beki.

Ubos!

Sharon binantaang reresbakan sa mga parinig ni Sen. Kiko

Napakatrapik nu’ng Biyernes nang gabi sa EDSA. Nagtipun-tipon kasi sa makasaysayang People Power monument ang mga anti-Marcos. Sigaw sila nang sigaw, nakataas ang kanan nilang kamao habang sabay-sabay na nagtutungayaw, “Hukayin ang bangkay ni Marcos sa Libingan Ng Mga Bayani!”

Mga estudyante sila ng Ateneo at Miriam College na unang nagkita-kita sa Katipunan at nang lumaon ay lumipat na sa EDSA. Nagsikip tuloy ang daloy ng mga sasakyan pa-Norte.

Habang nakikinig kami sa Aksyon Prime ng TV5 na umeere rin sa Radyo Singko (92.3 News FM) ay narinig naman namin ang mga naging pahayag ni Senador Kiko Pangilinan na nagsabing nailibing nga ang dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan Ng Mga Bayani, pero hindi habampanahong mananatili du’n ang bangkay ng pulitiko, napakarami naming tinanggap na mensahe sa text nang dahil du’n.

Sabi ni Bradly Guevarra na isa sa mga loyalista ng Megastar, “Ayan, nagsalita na si Senator Kiko laban sa ninong ni Mega sa kasal. Natural, madadamay na naman si Mega sa mga sinasabi ni Senator Kiko!

“Siya na naman ang babalikan ng mga galit sa asawa niyang senador! Sana naman, e, patahimikin na nila ang dating pangulo sa kanyang himlayan,” nag-aalalang komento ni Bradly Guevarra.

At may punto ang opinyon nito, siguradong iba-bash na naman si Sharon Cuneta dahil sa mga pinakakawalang pahayag ni Senador Kiko, collateral damage na naman ang Megastar sa usaping ito.

Panigurado ‘yun.

Show comments