Nabuko ni misis Kilalang aktor nabitin sa biyahe sa langit kasama ang aktres!

May ilang taon na ang nakararaan ay nagkasama sa isang serye ang isang guwapo at kilalang aktor at ang isang aktres na kilala rin na hiwalay sa kanyang mister.

Mapang-imbita ang ganu’ng sitwasyon. Sa mga oras na pareho silang hindi nakasalang sa mga eksena ay nagkakaroon sila ng pagkakataong makapagkuwentuhan tungkol sa kanilang personal na buhay.

Natural, nasasabi nila ang mga sobra at kulang sa buhay nila, nagsasabihan sila ng mga problema, hanggang sa maramdaman na lang nila na nahuhulog na pala ang loob nila sa isa’t isa.

Walang problema ang aktor, maasikaso ang maganda nitong misis, ang aktres ang masasabing matagal nang uhaw sa pagmamahal dahil sa mister niyang parang walang pangarap sa buhay.

Kuwento ng aming source, “Lust lang ang sa male personality, kati-kati lang, dahil kilala naman siyang may kalikutan sa aparato, ‘di ba? Marami na siyang nakarelasyong artista bago pa sila nagpakasal ng wife niya ngayon.

“Pero ‘yung girl, talagang matagal na siyang uhaw, matagal na siyang hiwalay sa husband niya. Natural, madaling madarang sa kamunduhan ang mga ganu’n, ‘di ba?” pagdedetalye ng aming impormante.

Nagkasundo sila na pagkatapos ng taping ay magkikita sila sa isang lugar, magtse-check-in sila sa isang hotel, sabay silang lilipad sa langit-langitan ng kaligayahan.

Patuloy ng aming source, “Nangyari nga ‘yun, inangkin nila ang magdamag. Nagsalo sila sa physical happiness. Tumawag muna ang male personality sa wife niya para sabihing nasa taping pa siya dahil may kukunan pa siyang mga eksena.

“Pero nabuking siya ng wife niya, nagsisinungaling siya, dahil may communication din ang misis niya sa mga production staff na nagsabing maaga silang nag-pack-up.

“Ang plano sana nila ng female personality na makapagsama pa nang matagal ay napurnada. Kinailangan nang umuwi ng aktor, nagwawala na kasi ang wife niya,” pagtatapos ng aming source.

Ubos!

Bong mahihirapang gumaling ang migraine sa sobrang init

Kung totoong sa PNP Custodial Center din makukulong ang sinasabing drug lord na si Kerwin Espinosa ay mukhang mas liliit pa ang mundo nina Senador Jinggoy Estrada at Senador Bong Revilla.

Maliit lang kasi ang bakuran, may apat na kuwarto du’n na bakante pa ang dalawa, ayon sa mga kuwento ay nakalaan na raw ‘yun para sa napipintong pagkakulong ni Senadora Leila de Lima.

Tuwing Linggo ay punumpuno ‘yun ng mga bisita ng dalawang senador, maraming nagmamahal sa magkaibigan, kahit bumabagyo ay marami pa ring dumadalaw sa kanila. Bukod pa ‘yun sa kani-kanilang pamilya na regular na bumibisita sa kanila.

Medyo maayos na ang pakiramdam ngayon ni Senador Bong, kailangan na lang talagang gamutin at tutukan ang kanyang migraine, dahil kapag nakikita namin siyang sinusumpong ng sakit ng ulo ay nagkakandaluha na siya.

Para raw kasing dinudukot ang kanyang mga mata, para ring pinapalakol ang kanyang ulo sa sobrang pananakit, hirap na hirap ang aktor-pulitiko kapag inaatake siya ng migraine.

Mahihirapan talaga siyang mapagaling agad ang kanyang sakit dahil sobra ang init sa PNP Custodial Center, bawal silang gumamit ng aircon, bentilador lang na mainit na hangin din naman ang ibinubuga lang ang gamit nila.

Kapag lumabas naman sila ng kuwarto ay sobrang init din, sementado ang bakuran, tent lang ang pananggalang nila sa matinding init at ang mga halaman sa paligid na iniayos ng kanilang mga kaibigan.

Dusa ang araw-araw nilang pinagdadaanan.

Show comments