#IsangPamilyaTayo nag-trending!

MANILA, Philippines – Sama-samang inabangan at tinutukan ng mga Pilipino ang Isang Pamilya Tayo Ngayong Pasko Christmas Station ID (CSID) ng ABS-CBN kagabi (Nov 7) kung saan natunghayan ang mga totoong kuwento ng pagsisikap, pagbangon, at tagumpay ng mga Pilipino.

Nag-trending topic pa sa buong mundo ang hashtag na #IsangPamilyaTayo, habang sabay-sabay na sinalubong ng mga Kapamilya ang pagpapalabas ng CSID sa iba’t ibang parte ng bansa – sa ABS-CBN Compound at Immaculate Conception Cathedral of Cubao, at maging sa Baguio, Tacloban, at Cagayan De Oro.

Mapapanood sina ABS-CBN chief content officer, executive adviser to the chairman, at ABS-CBN University president Charo Santos-Concio, Vice Ganda, at Coco Martin na nagbibigay ng payo sa mga estudyante habang sina John Lloyd Cruz, Piolo Pascual, at Angel Locsin ay nakipagkuwentuhan sa isang batang pitong kilometro ang nilalakad patungong eskwela, ang isang may kapansanang nagawa pa ring maging champion swimmer, at ang Olympics silver medalist na si Hidilyn Diaz.

Binisita rin nina Ted Failon, Bernadette Sembrano, at Kabayan Noli De Castro ang Tacloban upang ipakita ang pagbangon ng mga Typhoon Yolanda survivors, kabilang ang isang batang nagtapos bilang valedictorian, isang babaeng kilala ngayon bilang Junkyard Queen, at ang isang pamilya na nakaraos sa trahedya sa pag-gawa ng mga parol.

Nakasama din nina Julius Babao, Dyan Castillejo, at Karen Davila ang mga dating pasaway na ngayon ay tagapagligtas na, samantalang isang handaan ang binigay ng Umagang Kay Ganda para sa isang model barangay.

Kaabang-abang din ang eksena tampok ang Kapamilya love teams tulad ng KathNiel at JaDine, na may kanya-kanyang sorpresa para sa mga batang may sakit o kaya ay walang pamilya, habang kasama naman sa awitan ng theme sina Enrique Gil at Liza Soberano, Daniel Matsunaga at Erich Gonzales, at Gerald Anderson at Kim Chiu.

Matapos humamig ng mahigit isang milyong views online ang recording video ng Isang Pamilya Tayo Ngayong Pasko, ang CSID naman ang pinagkakaguluhan ngayon online na wala pang isang araw ay mayroon agad mahigit 500,000 views.

Show comments