Unang concert ng T.O.P, matagumpay
MANILA, Philippines – Matagumpay na idinaos ng 30th PMPC Star Awards for Music Group of the Year na T.O.P. (Top One Project) ang kanilang pinaka-una at sold-out concert na pinamagatang T.O.P. in Concert sa Music Museum. Pinatunayan ng grupong binubuo nina Adrian Pascual, Joshua Jacobe, Louie Pedroso, Mico Cruz at Miko Manguba ang kanilang kakayahan bilang performers.
Mula sa genre ng RNB, Pop Rock at hanggang sa mga jukebox hits noong 90’s ay gumawa sila ng sarili nilang bersyon na ikinabilib ng mga manonood. Kinilig at nakisabay din ang kanilang fans nang kantahin nila ang Paggising at Alaala, dalawa sa mga paboritong kanta sa kanilang self-titled album sa ilalim ng GMA Records.
Guest ng T.O.P. ang Kapuso bombshell na si Kim Domingo na kasabay nilang kumanta ng Closer ang kantang pinasikat ng EDM Duo na The Chainsmokers. Sumama rin sa kanila sa stage ang Rock N’ Soul diva na si Aicelle Santos at ibinirit ang mga pinasikat na kanta ng OPM rock band na Aegis.
Napanatili ng grupo ang mataas na energy sa venue at tinapos ang concert nang nagpapasalamat sa kanilang mga mentors sa To The Top, ang reality search ng GMA Network na nagbigay sa kanila ng pagkakataong tuparin ang kanilang pangarap. Naghandog sila ng kanta para sa mga beteranong gumabay sa kanila habang nasa kompetisyon.
Nangako rin ang T.O.P. sa kanilang mga fans na patuloy silang magsisikap para mapasaya ang mga taong walang sawang sumusuporta sa kanila.
- Latest