Siguro nga, kapag nakikita ngayon ni Actor A si Actor B ay isa lang ang naglalaro sa kanyang utak—“Ito ang lalaking naging dahilan ng lahat, siya ang umagaw sa trono ko na inalagaan ko nang mahabang panahon.”
Ganito kasi ang kuwento. Naging karelasyon ni Actor A ang isang mayamang gay businessman. Pinag-aral siya nito, tinulungan ang kanyang pamilyang nasa probinsiyang hindi naman kalayuan sa Maynila, sinunod ng beking negosyante ang kanyang mga luho.
Nakakailang taon na sila nang biglang umentra sa kuwento si Actor B na mas popular kesa sa kanya pero pareho lang silang guwapo at tisoy.
Nagkakilala sa isang party ang gay benefactor niya at si Actor B, nagkakuwentuhan, hanggang sa magkapalitan na ng numero at napadalas ang kanilang pagtatawanan.
Kuwento ng aming source na kaibigan ng beking businessman, “Nagkakutob na si Actor A nu’n na may bagong pinagkakaabalahan ang karelasyon niya, pero hindi pa niya alam kung sino, pero isang araw, nabuking din niya ang dalawa.
“Nalibang yata ang beki, nakalimutan niyang bitbitin ang phone niya habang naliligo siya, kaya nu’ng mag-ring ang phone niya, e, nakita ‘yun ni Actor A!
“Pangalan ng girl ang rumehistro, kaya sinagot niya ang phone. Aba, lalaki ang sumagot, nabosesan agad ni Actor A kung sino siya. Patanong ang reaction niya, binanggit niya ang name ni Actor B, umamin naman si loko!
“’Yun na ang naging simula ng madalas nilang pag-aaway ng gay benefactor niya, buking na buking na kasi niya ang dalawa, pero super-deny pa ang kanyang azucarera de fafa!
“Ayaw niya ng may kasabay sa buhay ng gay businessman, kaya siya na ang umalis, nakipaghiwalay na siya sa beki na tinatanawan niya ng utang na loob.
“Hindi siya nanggulo, wala siyang ginawang makasasakit sa beki, mas naiisip niya kasi ang napakalaking naitulong ng gay businessman sa family niya.
“Pero take note, ang ipinalit sa kanya ng beki, e, may girlfriend na young actress. Asang-asa ang girl na siya lang ang nag-iisa sa buhay ng boyfriend niya, wala siyang kaalam-alam na magkasalo sila sa pinggan ng mayamang beki!” pagtatapos ng aming impormante.
Ubos!
LJ magaling sa motorsiklo!
Masayang-malungkot siguro si LJ Moreno sa pinal nang desisyon ng kanyang mister na basketbolistang si Jimmy Alapag sa pagreretiro na sa paglalaro.
Nu’ng nakaraang taon ay nagpaalam na rin si Jimmy, pero kinuha pa rin siya ng Meralco Bolts mula sa Talk N Text, maganda ang naging kartada ng kanyang koponan dahil sila ang nakaagawan sa kampeonato ng Barangay Ginebra sa katatapos lang na Governors’ Cup ng PBA.
Labingtatlong taon na naglaro si Jimmy, magandang pabaon para sa kanya ang pag-agaw sa trono kay Allan Caidic sa paramihan ng naitalang three-point shot, hindi na makakalimutan ng mundo ng basketball ang magaling na mister ni LJ Moreno.
Hindi mawawalan ng trabaho si Jimmy na kunektado pa rin sa basketball, hinog na siyang mag-coach, puwede rin siyang magtayo ng eskuwelahan para magturo sa mga kabataan na basketball ang hilig.
Ang bentahe lang ng pagreretiro sa paglalaro ni Jimmy ay madadagdagan ang kanyang panahon sa pamilya nila ni LJ, may dalawang anak na sila ngayon, ang kanilang panganay ay marunong na ring humawak ng bola ngayon.
Parehong athletic sina Jimmy at LJ, ‘yun ang isang bagay na pinagkakasunduan nila, kung sa pagdidribol at pagsusyut nakalinya si Jimmy ay magaling namang magmotorsiklo si LJ.
Maayos ang kanilang relasyon, walang alingasngas ang kanilang pagsasama, pareho silang marunong humawak ng responsibilidad.