Star City nagbigay saya sa 600 bata

MANILA, Philippines – Inilunsad ng Star City ang kanilang  ika-25 anibersaryo sa isang pasinaya kapiling ang mahigit 600 na mga bata mula sa 25 charity organizations kamakailan lamang.  Sa pakikipagtulungan ng mga bahay ampunan, juvenile shelter, rescue centers, at SPED institutions, binigyan ng ride-all-you can access ang mga bata, at pinaghandaan pa ng magic show, pagtatanghal ng Ballet Manila, parada ng mga taga-Cosplay.Ph  at mga mascot.  Bawat isa ay may libreng pagkain at bag ng pasalubong na galing sa mga sponsor.  

Full force rin ang mga opisyales ng Star City, kasama ng sales/marketing staff at mga park attendant upang tiyaking maayos ang lahat. Iyon ang unang pagkakataon na nakatuntong ang ilan sa mga bata sa amusement park, kaya naging maagang pamasko sa kanila ang nasabing event. Nagniningning ang kanilang mga ngiti, at hindi maibsan ang saya na kanilang nadama. 

Ang Star City ay binuksan noong 1991 bilang pinag-ibayong pasyalan ng mga pamilya, halaw sa kilalang Philcite Toys and Gifts Fair.  Ngayon, mayroon na itong mahigit 30 iba’t ibang rides at attractions para sa mga bibisita dito bata man o matanda. 

Kailan lamang ay binuksan din ang annex na may adventure zone na kinagigiliwan ng mga empleyado ng mga kumpanyang nagsasagawa ng team building.

Show comments