Gaano kaya katotoo ang balitang nakarating sa amin na kaya hindi umano nag-renew ng co-management contract kay Annabelle Rama at Viva Artists Agency ang sexy star na si Arci Muñoz ay dahil ang ABS-CBN naman daw ang nag-build-up sa kanya sa pamamagitan ng hit afternoon TV series na Pasion de Amor at ngayon ang evening primetime na Magpahanggang Wakas?
Sa halip umano na muling mag-renew si Arci kay Annabelle at Viva ay pumirma ito ng management contract with Star Magic.
In fairness to Annabelle, she did her job nang gawin itong contract star ng TV5 kung saan nakagawa ng ilang programa si Arci. Nang mag-lie low ang entertainment programs ng TV5, pumirma ang mommy nina Ruffa, Richard, at Raymond Gutierrez ng co-management contract with Viva Artists Agency.
Over at Viva, sila ang nagdala kay Arci sa ABS-CBN at nagbigay ng kanyang mga product endorsement.
Nasaktan umano si Annabelle at maging ang Viva top honcho na si Boss Vic del Rosario sa tinuran ni Arci na ang ABS-CBN naman ang nag-build-up sa kanya.
Hindi naman siguro siya papansinin ng ABS-CBN kung hindi siya dinala roon ng Viva.
Sa totoo lang, Salve A., marami talaga sa ating mga kilalang celebrities ang madaling makalimot kung saan sila nagsimula at kung sino ang kanilang naging tulay sa kanilang tagumpay na tinatamasa ngayon.
Oh, well.
Direk GB maraming natutunan kay Kuya Germs
Naging in-studio guest namin ni Shalala last Sunday afternoon sa aming Inside Showbiz radio/TV program sa DZRJ ang writer-director na si GB Sampedro na siyang nag-direk ng Metro Manila Film Festival (MMFF) probable entry na Mang Kepweng Returns na take-off sa tatlong pelikulang unang pinagbidahan at pinasikat ng namayapang komedyanteng si Chiquito.
Doon lamang namin nalaman na naging member pala siya sa now-defunct That’s Entertainment youth-oriented TV program ng yumaong star builder at Master Showman na si German “Kuya Germs” Moreno.
Aminado si Direk GB na marami umano siyang natutunan sa That’s Entertainment dahil dito na-mold ang iba’t ibang talent niya sa pag-arte, paghu-host, pagkanta, at maging sa pagsasayaw.
Nang mawala ang That’s Entertainment, doon lamang na-discover ni Direk GM ang talent niya sa pagsusulat at pagdidirek na kanyang sinimulan sa teatro. Matagal din siyang naging AD (assistant director ni Louie Ignacio) hanggang maging full-fledged director na rin siya hindi lamang sa teatro kundi maging sa mga events, shows and concerts, TV commercials, telebisyon at pelikiula and had an opportunity na makapagtrabaho sa ABS-CBN, TV5, at maging sa Viva at iba pang produksyon.
First mainstream movie directorial job ni Direk GB ang Mang Kepweng Returns na pinagbibidahan ni Vhong Navarro under Cineko Productions at umaasa siya na ito’y masusundan pa ng maraming iba pa.