Kung totoo ngang may relasyon sina Coco Martin at Julia Montes ay binabati sila ng lahat dahil sa husay ng ginagawa nilang pagtatago rito. Kung hindi pa sa pangyayaring iniwan ni Julia ang management ng Star Magic para lumipat ng Cornerstone ay hindi pa mabibigyan ng hugis ang dati ay hinuhulaan lamang na ugnayan nila.
Sa bagong management ni Julia ay sinasabing maaamin na ng dalawa ang relasyon nila na pinakatatagu-tago dahil baka makaapekto sa karera ng dalawa. Sinasabing alam at may blessing ni Coco ang ginawang desisyon ng mas nakababatang artista para sa kanyang karera.
Waging Best Actress ng QCIFF walang karanasan sa pag-arte
“The who” ang tanong ng lahat sa nagwaging Best Actress na si Laila Ulao para sa pelikulang Women of the Weeping River sa ginanap na QCinema International Film Festival. Kay JC de Vera ay walang narinig na pagngalngal sa Best Actor award nito dahil kilala naman at alam ng lahat ang kalibre niya bilang artista. Pero ang best actress ay isang complete unknown. Isa itong nurse na nagtatrabaho sa Jolo, Sulu at walang karanasan sa pag-arte. Ang panalo niya ay isang malaking imbitasyon para siya makita at mapanood ng lahat.
Nanalo rin sa kategoryang Best Picture at Best Supporting Actor ang Women of the Weeping River.
Glaiza at Benjamin hindi talaga meant to be
Buti na lang at hindi benggadora si Glaiza de Castro dahil kahit wala pang resulta ang ginawang panliligaw sa kanya ni Benjamin Alves ay bumaling na agad ito kay Julie Anne San Jose. Hindi na nito hinintay kung papalarin siya sa iniluluhog niya sa isang gumaganap na Sang’gre sa Encantadia 2016. Natunugan ba niya na mababasted siya rito kaya siya nagbago ng isip?
Nagulat din si Glaiza nang biglang mag-100% turn about ang pamangkin ni Piolo Pascual at nanligaw sa iba. Pero sinabi nito na hindi niya nakita kay Benjamin ang mga katangian na hinahanap niya sa isang lalaki. Buti na rin lang at hindi naging dahilan si Benjamin para mag-away o magkailangan ang dalawang GMA artists.
Kyla, KZ, Angeline, at Yeng hindi raw magsasapawan
Sigurado namang hindi maaapektuhan ang ginawang pag-atras ni Rachelle Ann Go sa concert na dapat sana ay gagawin niya kasama sina Kyla, KZ Tandingan, Angeline Quinto, at Yeng Constantino. May kanya-kanyang tagahanga ang apat na nag-aabang na mapanood sila sa kanilang unang pagsasama.
Hindi nga importante kung ano’ng lovelife o kontrobersya meron sila para sa promosyon ng concert nila matangi kay Angeline na hanggang ngayon ay tinatanong pa rin tungkol kay Erik Santos. Ang kakayahan nila ang mangingibabaw sa show. Gugustuhing malaman ng mga manonood kung sino ang lalabas sa kanila na pinakamagaling. Pero meron ba? ‘Di ba’t na-establish na ang kagalingan nilang apat?
Sa kabila nito, kinumbida pa rin para mag-guest sa kanila sina Regine Velasquez-Alcasid, K Brosas, at Jaya. Baka sa tatlo pa magkaron ng paglalaban.
Maria Isabel Lopez sa art exhibit naman mang-aagaw ng atensyon
Mas makikilala pa ng husto ang maraming talento ng umagaw ng atensyon sa mga kasamahan niyang rumampa para sa Ma’ Rosa sa Cannes Film Festival, ang aktres at dating beauty queen na si Maria Isabel Lopez. Meron itong one-woman art show na pinamagatang Body and Soul sa SM Megamall. Hanggang Nobyembre 2 makikita ang exhibit na nagtatampok sa physical at spiritual symbolism ng female anatomy o katawan ng mga babae.
Mas lumawak pa ang kaalaman ng aktres sa pagpipinta ng female anatomy nang magtrabaho siya bilang fashon designer sa Rustan’s at SM. Nadagdagan pa ang talento niya nang kumuha siya ng formal lessons sa mosaic sa Chicago at Berkeley, California sa USA.
Zsa Zsa ginulat ang mga anak
I’m sure na maski na ang mga anak ni Zsa Zsa Padilla ay nagulat sa desisyon nito na makipag-balikan sa nakahiwalayang si Conrad Onglao. Malaki na ang kanilang ina at mayroon nang sapat na pag-iisip. Ang mahalaga lamang ay alam nito na laging naririyan ang mga anak na matakbuhan kapag nagkaproblema na naman ang kanilang relasyon. Lalo’t mauuwi pa ito sa marriage na balak na yatang gawin ng nagkabalikan.