MANILA, Philippines – Masuwerte raw ang mga mainstream movie na papasok sa 2016 Metro Manila Film Festival. Labu-labo raw kasi. As in kahit indie movie, isasali na sa Magic 8 basta makapasa sa screening committee ng MMFF.
Eh ang karamihan daw sa mga nakatapos na at handa na sa MMFF ay mga indie. Iilan pa lang daw ang mainstream na tiyak na makakahabol sa ibinigay na deadline na end of October ng MMFF.
May producer na nag-aapela sa MMFF na sana ay i-extend ang deadline para naman mas mapaganda pa ang pelikula nila at matapos ng matino. Pero wala pa raw sagot ang mga bagong namumuno sa filmfest.
Ang point ng kausap ko, halimbawa apat na main stream at apat na indie ang makakapasok, tiyak daw na pag hindi kumita ang mga indie mabilis itong mapu-pull out sa mga sinehan. At ang makikinabang, ‘yung iilang pelikula ng malalaking producer. Ang ending, ang iilan lang daw ang kikita.
Eh paano raw kung mas maraming pumasok na indie movie, let say 5 indie at 3 mainstream lang, kung saka-sakali raw tatlo lang tiyak na maiiwan sa mga sinehan na maglalaban-laban.
True nga naman na may magagandang indie films, pero hindi nga naman lahat ay na-appreciate ang ganitong pelikula lalo na ang mga bata na market ng mga pelikulang Pamasko.
ABS-CBN hindi pa rin matinag ayon sa Kantar!
Nangunguna umano at mas pinanonood pa rin ang ABS-CBN sa mas maraming kabahayan sa parehong urban at rural areas sa bansa matapos itong magtala ng average audience share na 45.6%, o 12 puntos na lamang kumpara sa 33.6% ng GMA mula Sept.1 hanggang Oct. 13, base sa pinakahuling datos ng Kantar Media na kumakatawan sa 100% ng kabuuang viewing population sa Pilipinas.
Namayagpag din ang ABS-CBN sa buong buwan ng Setyembre sa average national audience share na 46% sa pinagsamang urban at rural homes kontra GMA 7 na pumalo lang ng 33% ayon pa sa Kantar.
Walo rin sa top ten na pinakapinanood na programa sa bansa ay mula sa ABS-CBN sa pangunguna pa rin ng FPJ’s Ang Probinsyano na may average national TV rating na 39.2%.
Namayagpag din ang ABS-CBN sa iba’t ibang areas noong nakaraang buwan kabilang ang Total Luzon kung saan nakakuha ito ng average audience share na 41% kontra GMA na may 37%; sa Total Visayas na may 55% vs GMA’s 26%; sa Total Mindanao na may 58% vs GMA’s 28%; sa Total Balance Luzon na may 49% vs GMA’s 35%; at sa Metro Manila na may 37% vs GMA’s 33%.
GMA Network number one sa AGB!
Sa kabilang banda, muling napasakamay umano ng GMA Network ang titulo bilang nangungunang TV network sa buong bansa ayon naman sa datos ng Nielsen TV Audience Measurement.
Dahil sa patuloy nitong pamamayagpag sa lahat ng daypart , tuluyan na nga raw naungusan ng GMA ang ABS-CBN sa National Urban Television Audience Measurement mula September 1 hanggang October 13 (base sa overnight data ang October 9 hanggang 13) dahil sa naitala nitong average people audience share na 38.3 percent, kumpara sa 37.6 percent ng ABS-CBN ayon naman sa AGB.
Nanatili rin umanong number one ang GMA sa Urban Luzon, na siyang kumakatawan sa 77 percent ng kabuuang manonood sa mga urban TV homes, dahil naman sa nakuha nitong 43.4 percent na mas mataas sa 32.3 percent ng ABS-CBN.
Nitong buwan ng Oktubre (Oktubre 1-13), partikular daw na mas lumakas ng GMA sa weekday evening primetime sa NUTAM, kung saan umabot ang people audience share nito ng 40 percent kumpara sa 37.3 percent ng ABS-CBN ayon pa sa resulta ng survey ng AGB.
Kayo na lang ang bahalang humusga kung sino ba talaga sa dalawang network ang nangunguna.
Magkaibang survey company ang ginagamit nila.
Ruler na lang ang straight, beki nagkalat kahit saan
Ang lakas ng dating ng trailer ng pelikulang Bakit Lahat ng Guwapo May Boyfriend? nina Anne Curtis, Paolo Ballesteros and Dennis Trillo.
Wagi at may aliw factor ‘yung eksena nina Dennis at Anne na nasa sinehan at eksena ni Paolo na sinasabi ang signs kung bading ang ka-date mo.
‘Yun ding dialogue ni Anne na sa panahon ngayon, ruler na lang ang straight.
Hahaha.
First time ng tatlo na magsama-sama sa pelikula kaya kakaiba naman.
Isa si Anne siyempre sa pinakamabentang aktres sa kanyang henerasyon. Isa siya sa main hosts ng It’s Showtime ng ABS-CBN at naging parte rin ng blockbuster movies gaya ng The Gifted at No Other Woman.
Si Dennis naman, isa rin sa pinakabatang actor na hindi matatawaran ang galing sa pag-arte. Labis siyang hinangaan bilang title roler sa multi-awarded epic movie na Felix Manalo bukod pa sa pagiging top leading man ng GMA Network, kung saan katatapos lamang niyang magbida sa Juan Happy Love Story at bumenta sa My Husband’s Lover.
Kamakailan, pinarangalan din si Dennis bilang kauna-unahang Pinoy Asian Star Prize winner sa Seoul International Drama Awards.
Sa kabilang banda, kabilang si Paolo sa longest-running noontime show ng bansa, ang Eat Bulaga.
Gumawa rin siya ng ingay at nagtamo ng pagkilala matapos pagkaguluhan sa iba’t ibang sulok ng mundo ang kanyang ginagawang make-up transformation.
Directed by Jun Lana, showing na sa October 19 ang nasabing pelikula from Viva Films.