Gwapulis hahatulan ni Bato!

MANILA, Philippines - Matatapang at matitikas. Bukod pa diyan, sila rin ay may angking talento at karisma. Ganyan ang anim na pulis na maglalaban-laban upang tanghaling kauna-unahang Grand Winner ng Gwapulis, isang kompetisyong inilunsad ng Umagang Kay Ganda para maibida ang mga masisipag at matatapang na kapulisan ng bansa.

Matapos lagpasan ang semifinals, handa na sina Singing Police ng Camp Bagong Diwa na si PO1 Norman Wileman III, Dancing Police ng Valenzuela City na si PO1 Willy Quinto, Rakiterong Parak ng Rodriguez Rizal na si PO1 Mark Florence Iglesias, Mr. P.O. Simpatiko ng La Union na si PO1 Dennis Keliag, Hottie Officer ng Caloocan na si PO1 Mark Christian Sioco, at Dad Bod officer ng Rizal na si PO3 Ernesto Dingcong, Jr. na magpakitang-gilas gamit ang kanilang kagwapuhan, talino, at talento sa harap ng kanilang mga kapwa pulis sa grand finals na gaganapin sa Philippine National Police (PNP) headquarters sa Camp Crame ngayong Biyer­nes.

Mismong si PNP chief Dir. Gen. Ronald “Bato” Dela Rosa, kasama ang beteranong broadcast journalist ng ABS-CBN na si Gus Abelgas, ang magsisilbing hurado sa mga finalist, na live na magtatanghal sa harap ng kanilang mga kasamahan pati na sa milyong Pilipinong nanonood sa telebisyon at sa Internet.

Ang naturang segment sa UKG ay inilunsad sa likod ng kasikatan ng teleseryeng FPJ’s Ang Probinsyano at katanyagan nina Neil Perez at Don MacGyver Cochico, na sumikat sa publiko matapos manalo sa mga pageant.

Aprubado rin ang Gwapulis ng PNP chief, na naniniwalang ito ay isang paraan para mas mapalapit ang mga pulis sa mga tao.

Huwag palampasin ang Gwapulis 2016 Grand Finals sa Umagang Kay Ganda ngayong Biyernes (October 14) sa ganap na 4:55am sa ABS-CBN at ABS-CBN HD (SKYCable ch 167).

Show comments