ABS-CBN naghakot an awards sa Golden Laurel
MANILA, Philippines – Pinarangalan ng Lyceum of the Philippines University (LPU) Batangas bilang Best TV Network ang ABS-CBN na nag-uwi rin ng 20 awards sa Golden Laurel: Lycean Choice Media Awards.
Itinanghal na Best News Program ang flagship news program ng Kapamilya Network na TV Patrol, habang ginawaran sina Ted Failon at Bernadette Sembrano ng Best Male at Best Female News Anchors.
Umagang Kay Ganda naman ang nag-waging Best Morning Show at si Atom Araullo ang piniling Best Morning Show Host. Panalo rin ang mga ABS-CBN Current Affairs program na Matanglawin bilang Best Educational Program at Sports U bilang Best Sports Program.
Tuloy ang pagdiriwang para sa FPJ’s Ang Probinsyano dahil ito ang idineklarang Best Primetime Series at ang bida nitong si Coco Martin ang Best TV Actor.
Ginawaran din sa entertainment category ang It’s Showtime (Best Noontime Show), ASAP (Best Musical Variety Show), Banana Split (Best Comedy Show), Gandang Gabi Vice (Best Talk Show), at Your Face Sounds Familiar (Best Reality TV Show).
Tagumpay din ang ibang Kapamilya stars sa Lycean Choice Media Awards kabilang sina Jodi Sta. Maria (Best TV Actress for Pangako Sa’Yo), Anne Curtis (Most Influential Social Media Personality), Vice Ganda (Best Talk Show Host), Toni Gonzaga-Soriano (Best Reality Show Host for Pinoy Big Brother), at ang love team nina James Reid at Nadine Lustre (Most Popular Love Team).
Ang Golden Laurel: Lycean Choice Media Awards ay ginanap noong July 21 sa Lyceum of the Philippines University Batangas campus. Bilang isa sa mga student award-giving bodies sa bansa, layunin nito na bigyang karangalan ang mga TV programs at personalities na isinasabuhay ang misyon at values ng kanilang institusyon. Ang mga nanalo ay binoto ng mga estudyante, guro, at kawani ng unibersidad.
Ito ang ika-siyam na Best TV Station na napanalunan ng ABS-CBN. Best TV Station din ang ABS-CBN sa 24th Golden Dove Awards, 12th USTv Awards, 14th Gawad Tanglaw Awards, 2016 Platinum Stallion Awards, 3rd Paragala Awards, 3rd UmalohokJuan Awards, 2nd Aral Parangal Awards, at Eastern Visayas State University’s (EVSU) 2nd Students’ Choice Mass Media Awards.
- Latest