Singer-actor na nanlilimos noon para sa pamilya, inglesero at big time na ngayon!

Jay-R Siaboc

Maraming masaya sa nagiging takbo ng buhay at karera ngayon ng isang dating child singer-actor. Napakarami kasi niyang pinagdaanang sakripisyo, sa napakamurang edad ay siya na ang bumubuhay sa kanyang pamilya, ni hindi nga siya nakapaglaro nu’ng kanyang kabataan.

Bumagyo nu’n. Nilipad ang bubong ng kanilang munting bahay. Kinailangan niyang mamalimos ng awa sa maraming tao para lang makabili sila ng yero.

Kuwento ng isang source na nilapitan nu’n ng child singer-actor, “Nakakaawa siya, napakarami niyang pinagdaanan. May mga magulang naman siya, pero bakit siya ang kailangang magmakaawa sa mga tao para sila makabili ng pampalit sa bubong nila nu’ng bumagyo?

“Awang-awa kami kay ____(pangalan ng binata nang singer-actor), kakanta raw siya nang magdamag at maghapon, bigyan lang siya ng pambili ng yero para sa bahay nila,” pag-alala ng aming source.

Dahil punumpuno siya ng talento ay pinagkatiwalaan siya ng isang malaking network. Palagi siyang isinasama sa mga serye ng istasyon, lutang ang kanyang galing, kaya hindi siya nawawalan ng trabaho sa network.

Ngayon ay maligaya na ang male personality, hindi niya pinababayaan ang kanyang pamilya, pero natuto na siyang mahalin ang kanyang sarili.

Pinauwi na niya sa probinsiya ang kanyang pamilya, sustentado niya ang mga ito, masaya na siyang namumuhay nang solo ngayon.

Kuwento ng isa pa naming source, “Mabait siya, masipag, marespeto. Hindi talaga siya mawawalan ng trabaho dahil hindi siya kailanman naging problema ng production dahil sa professionalism niya.

“At take note, maganda ang taste niya, may girlfriend siyang spokening bow-wow-wow ngayon! Inglisero na ring ang dating kawawang bata!” pagtatapos ng aming impormante.

Ubos!

Jay-R na-realize na nasa huli talaga ang pagsisisi

Totoong-totoo na kung minsan, ang negatibong bagay ay namumunga nang positibo, tulad ng nangyari kay Jay-R Siaboc na matagal nang nananahimik ang singing career.

Pinagbintangan siyang pusher at hindi lang basta user ng ipinagbabawal na gamot. Natakot siya dahil sa matinding kampanya ng gobyerno kontra sa droga, kaya para linisin ang kanyang pangalan, sumuko siya sa police station ng Toledo City sa Cebu.

Aminado naman si Jay-R na tatlong taon siyang gumamit ng shabu, pero dalawang taon na ang nakararaan ay nagdesisyon siyang bumaklas na sa bisyo, naisip niya ang kapakanan ng kanyang anak na lumalaki na.

Nagsimula sa negatibong pagbibisyo, ngayon ay muling nabuhay ang pangalan ni Jay-R Siaboc, marami siyang interbyu ngayon tungkol sa ginawa niyang boluntaryong pagsuko sa mga otoridad.

Sana’y huwag magtapos sa puro interbyu lang ang lahat, sana’y magkaroon ng ikalawang tsansa si Jay-R, magaling siyang singer at may talento rin sa acting.

Meron siyang banda ngayon na regular na may gig sa mga bars sa Cebu, pero mas maganda sana kung makababalik siya uli sa harap ng mga camera, hindi pa huli ang lahat para sa isang taong nagsisikap magbago.

Si Jay-R Siaboc na mismo ang nagkumpisal, “Kapag natikman mo ang droga, uulit-ulitin mo na. Mahirap nang umiwas. Pero pansamantalang ligaya lang ‘yun, pagkatapos ng tama, balik ka na sa reyalidad.

“Walang naibibigay na maganda ang droga, sisirain talaga nu’n ang buhay mo. Nasa huli ang pagsisisi.”

Show comments