MANILA, Philippines - Ilang araw bago ang pilot airing ng Encantadia, tila mas lalo pang pinatindi ng pinakaaabangang GMA primetime series ang pananabik ng mga manonood sa pamamagitan ng matagumpay na Kapuso Mall Shows sa Visayas at Mindanao.
Lumipad mula Maynila ang Kapuso stars na gaganap bilang mga Sang’gre na sina Kylie Padilla, Gabbi Garcia, Sanya Lopez at Glaiza de Castro upang magbigay-aliw sa kanilang fans sa Davao at Cebu. Kasama pa nila ang mga gaganap na mandirigma sa serye na sina Rocco Nacino at Ruru Madrid.
Humigit-kumulang 6,000 Davaoeños ang nagsama-sama sa Gaisano Mall sa Tagum City noong June 26 upang mainit na tanggapin ang bida ng Encantadia stars. Hindi rin nagpahuli ang Cebu dahil noong sumunod na Linggo (July 3), 7,000 Cebuanos ang dumagsa sa South Town Centre sa Talisay City.
Ipinakilala ang mga aktor at ang kanilang gagampanang karakter sa pamamagitan ng isang audio-visual presentation. Ipinakita rin ang teaser ng nasabing groundbreaking telefantasya.
Buong giliw namang nagpasaya ng fans ang mga Kapuso star.
Sa Davao ay pinakita ni Kylie ang ganda ng kanyang boses nang kantahin ang Wag na Wag Mong Sasabihin ni Kitchie Nadal. Espesyal din ang number na inalay ng bagong Amihan para sa kanyang mga tagahanga sa Cebu sa pagkanta niya ng Only Exception ng bandang Paramore.
Tinutukan naman ng mga manonood sa dalawang mall shows ang song number ng bagong Alena na si Gabbi. Kinanta niya ang hit song ng Up Dharma Down na Tadhana.
Pinasaya rin ni Sanya ang mga nanuod sa Tagum City sa song at dance number niya kung saan inawit niya ang Work from Home ng Fifth Hamony.
Samantala, inalay naman para sa mga Cebuano ng gaganap na Danaya sa serye ang kantang Stay ni Carol Banawa.
Palaban din gaya ng karakter niyang si Pirena ang performance ni Glaiza sa pagkanta niya ng Royals ni Lorde sa kanilang Davao mall show. Pinabilib naman ng Kapuso actress ang mga mall-goer sa Cebu nang awitin niya ang Bisaya hit song na Hahasula ni Kurt Fick.
Ang Kapuso hunk na si Rocco naman, pinasaya ang fans sa pagkanta at pagsayaw niya ng Talk Dirty ni Jason Derulo. At pinakilig din ni Ruru ang audience nang kinanta niya ang One Direction hit na Perfect.
Bago ang mga mall show, isang press interview ang naganap sa pagitan ng Encantadia cast at ng local press ng Davao at Cebu. Kasama nilang humarap sa media si Encantadia director Mark Reyes.