MANILA, Philippines – Ang daming kaabang-abang sa 12th Cinemalaya Independent Film Festival na may temang “Break the Surface”. Isa na rito ang pagbabalik ng Full Feature Category. Siyam na pelikula ang maglalaban-laban sa Full Feature Category at sampu naman para sa Short Feature Category.
Marami ring mainstream actors ang unang sasabak sa Cinemalaya tulad nina Pokwang at Bret Jackson para sa pelikulang Mercury is Mine, na present sa press launch ng Cinemalaya 2016 noong Huwebes (July 7). Kasama rin nila sa pelikula ang dyowa ni Pokwang na si Lee O’Brian. Halatang in love na in love at parang bantay-sarado sa komedyana ang American actor dahil sa mga akbay nito. Parang wala na talagang makapipigil na sa dambana mapunta ang kanilang relasyon.
First time rin daw ng aktor na si Janus del Prado sa Cinemalaya at matagal na niyang pinangarap ang mapasama sa nasabing filmfest. Nagpapasalamat siya dahil naisingit sa kanyang schedule ang paggawa ng Ang Bagong Pamilya ni Ponching kahit pa may dalawang proyekto siyang ginagawa under Star Cinema.
Present din sa press launch para i-promote ang kanilang mga pelikula sina Barbie Forteza (Tuos), Benjamin Alves, Janine Gutierrez at veteran actor na si Tommy Abuel (Dagsin), Allen Dizon at Gold Azeron (Lando at Bugoy), Bela Padilla at Thou Reyes (I America), Ketchup Eusebio (Ang Bagong Pamilya ni Ponching), veteran actors Lou Veloso and Jun Urbano (Hiblang Abo), ang child star na nakilala noong Hopia na si Katrina Legaspi (Kusina) at ang kapatid ni Coco Martin na si Ronwaldo Martin para sa Pamilya Ordinaryo.
Hindi naman nakadalo sina Judy Ann Santos na bida sa Kusina at si Nora Aunor para sa pelikulang Tuos.
Ang mga pelikulang kalahok sa Short Feature Category ay Ang Hapon Ni Nanding (Nanding’s Afternoons), Ang Maangas, Ang Marikit at Ang Makata, Bugtaw, Butas, Fish Out Of Water, Forever Natin, Get Certified, Mansyong Papel, Nakauwi Na at Pektus.
Isa pang kaabang-abang sa Cinemalaya ngayong taon ang lawn screening kung saan mapapanood ang Lakbay2love movie nina Dennis Trillo at Solenn Heussaff sa malaking screen sa harap ng CCP. Maaaring mag-picnic sa damuhan kahit pa may dalang mga alagang hayop. Siguradong patok ‘to sa mga magbabarkada at pamilya na gustong mag-bonding.
At dahil nauuso ang pagbisita sa Japan, siguradong marami rin ang matutuwa sa pinakaunang partnership ng Cinemalaya sa Japan Foundation Manila para sa Eigasai Japanese Film Festival sa bansa. Kabilang kasi sa Asian Showcase ng Cinemalaya 2016 and dalawang Japanese Films na Ken and Kazu at August in Tokyo. Mapapanood din sa Asian Showcase ang ilang pelikula mula sa bansang Afghanistan, China, Germany, India, Kazakhstan, Kyrgyzstan, Sri Lanka, Taiwan, at Turkey.
Tatakbo ang 12th Cinemalaya sa Metro Manila mula August 5-14 sa Cultural Center of the Philippines at mga satellite venue sa Ayala Cinemas in Greenbelt 3 and Glorietta, Trinoma and UP Town Center, Nuvali. First time naman na extended ang filmfest hanggang Cebu dahil mapapanood ang mga pelikulang kalahok sa Ayala Mall Cebu mula August 9-14.