Iya at Michela busy na sa paghahanda sa panganganak!’ Bong mas naging maka-Diyos nang makulong

PIK: Ngayong umaga na pagkatapos ng Unang HIrit ang simula ng second season ng Home Foodie ni Drew Arellano. Kasama na niya this time sa programa ang misis na si Iya Villania.

Hindi nila ito itinuturing na work kundi karugtong ng bonding nilang mag-asawa.

Siyempre, tutok pa rin naman si Drew sa pag-aalaga kay Iya lalo malapit na itong manganak. Malikot na raw kasi ang baby sa tummy ni Iya.

Pero feeling ni Iya hindi siya gaa­nong mahihirapan sa panganganak dahil napaka-active pa rin niya.

Sa ngayon ay nakakapag-bike pa raw siya, nakapag-swim pero medyo nag-iingat naman siya. “Sasabihin naman ng katawan ko ‘yun eh. Hindi pa naman sinasabi ng katawan ko na kailangan ko mag-stop. Ano lang, ingat lang, hinay lang. Siyempre hindi naman pang-Olympics ang trai­ning ko,” napapangiting pahayag ni Mrs. Iya Arellano.

PAK: Malapit na rin ang kabuwanan ng girlfriend ni James Yap na si Michela Cazzola pero hindi pa rin niya ipinakikita ang baby bump sa tuwing nagpu-post ito ng pictures sa kanyang Instagram account. Pero naibabahagi naman niya sa followers ang paghahanda sa nalalapit niyang panganganak.

Kamakailan lang ay nag-post siya na dumalo sa seminar on lactation at binanggit na napaka-informative ng naturang class. Nagpapasalamat siya dahil marami raw siyang natutunan. Sabi niya, “Many fundamental things to learn from it!”

Si James naman ay kararating mula Amerika na kung saan isa siya sa naimbitahan sa Philippine Independence Day parade sa New York kasama sina Ogie Alcasid at Yassi Pressman.

Ipinost niya pagbalik ang video na humahalik kay Michela dahil sobrang na-miss niya ang kasintahan.

BOOM: Dalawang taon nang nakade­tine si Sen. Bong Revilla sa Camp Crame at after three days ay sumunod naman si Sen. Jinggoy Estrada.

Kamakailan lang ay inilabas ni Bacoor Incoming Mayor Lani Mercado-Revilla ang saloobin sa pagkapiit ng kanyang asawa.

Ipinost niya sa kanyang Facebook account, “Isang mahaba at malalim na paghinga. Magdadalawang taon  na si naririnig ang tinig ng iyong boses ng dingding ng ating tahanan. Ang yabag ng iyong mga paa sa sahig, ang amoy ng iyong pabango sa pagpasok mo sa bahay. Kailan kaya muli namin itong madarama…kailan?”

Matatapos na rin ang pagiging senador sa katapusan ng buwang ito, at sabi nga ni Sen. Bong, magiging first gentleman na raw siya ng Bacoor, Cavite. Pabiro ang pahayag niya, pero ramdam namin ang lungkot dahil sa kalagayan niya ngayon.

Malaki naman ang nabago kay Sen. Bong at lalong tumibay ang pagdakila niya sa Diyos, kaya lahat ng ito ay ipinagpasa-Diyos na raw niya at hindi siya tumigil sa pagdarasal.

Hindi raw niya alam kung ano ang susunod na mangyayari, at kung paano sila tatratuhin sa Camp Crame pagkatapos ng termino nila sa Senado.

Show comments