MANILA, Philippines – Isang historical food trip ang handog ng I Juander ngayong Miyerkules (June 8) kasama sina Susan Enriquez at Cesar Apolinario kung saan aalamin ng mga host kung anu-ano ang mga pagkaing naging bahagi ng kasaysayan ni Juan.
Ang kasaysayan ng Pilipinas, hindi lang daw mababasa sa mga libro o maririnig sa mga kuwento-kuwento—puwede rin daw itong matikman.
Ibabahagi ng I Juander ang mga pagkaing paborito raw ng kinikilalang kauna-unahang pangulo ng Pilipinas na si Emilio Aguinaldo: gaya ng tinatawag na Pansit Henoi at ang Pinasubong Manok sa Asparagus.
Pumasa rin kaya ang mga ito sa panlasa ng makabagong Juan?
Ang tinagurian namang Ina ng Katipunan na si Melchora Aquino, na mas kilala sa bansag na Tandang Sora; pati na rin ang binansagang Joan of Arc ng Ilocos na si Gabriela Silang, may kanya-kanya rin palang specialty. At ‘yan ang susubukang lutuin ng magkapatid na Chef Nap at Chef Joy.
Abangan lahat ng ito ngayong Miyerkules sa I Juander, 8 p.m. sa GMA News TV.