Sumusumpa ang isang pamosong aktor na hinding-hindi na siya kailanman papasok uli sa isang long distance relationship. Nakakapagod daw kasi ang ganu’n, napakagastos pa, never again sabi ng guwapo at simpatikong aktor.
Hiwalay sa kanyang misis ang aktor, ang bagets namang sexy personality ay nainlab sa kanya, lumalim nang todo ang kanilang relasyon.
Hanggang sa isang araw ay nagdesisyon ang babae, magpapaalam na ito sa showbiz at babalik na sa bansang kinalakihan nito para mag-aral na lang, lungkut-lungkutan siyempre ang aktor na sobrang inlab na inlab na sa girl.
Kuwento ng isang naging saksi sa kanilang malayuang pagmamahalan, “Naku, palaging matindi ang pangangailangan nu’n ni ____(pangalan ng aktor)! Tinitipid niya ang sarili niya para lang magkaroon siya ng pambili ng plane ticket!
“At hindi lang ‘yun! Magho-hotel siyempre sila ng girlfriend niya, lalabas sila para kumain, kaya napakamahal ng natagpuan niyang pechay! Pero kailangan niyang magsakripisyo, mahal na mahal niya ang babae!” kuwento ng aming source.
Matagal na panahong lipad nang lipad ang aktor sa bansang kinaroroonan ng kanyang girlfriend, nagkakautang-utang siya sa kanyang mga kaibigan, dahil hindi nga biro ang pakikipagkita niya sa babaeng nagpapaikot ng kanyang mundo.
“Sumuko rin siya nu’ng bandang huli dahil parang hindi na practical ang mga nangyayari. Pagod na pagod na siya sa biyahe, napakalaki pa ng ginagastos niya tuwing nagkikita sila.
“E, hindi naman kalakihan ang kinikita niya, hindi rin naman sa lahat ng panahon, e, may show siya, kaya ramdam na ramdam na niya ang tindi ng gastos niya!
“Ayun, nag-break din sila, maganda ang wife ng guy, ‘di hamak na mas maganda sa ex niya na palaging napagkakamalang beki!” pagtatapos ng aming impormante.
Ubos!
DU30 parang isda sa aquarium
Hindi pa man lumalapat ang kanyang likod sa pinakamataas na silya ng gobyerno ay inuulaol na ng mga pagpuna si President-elect Rodrigo Duterte. Bukod sa nasaktang mga alagad ng media sa kanyang pahayag tungkol sa laganap na media killing ay sumingit pa ang kanyang pagsipol sa news reporter na si Mariz Umali.
Napakaagang natitintahan ng papel ng piniling maupong pangulo ng ating mga kababayan. Hindi pa man ay napakarami na niyang dapat sagutin, kailangan na niyang magpaliwanag agad, samantalang sa Hulyo pa siya pormal na magsisimulang maglingkod bilang tagapamuno ng bayan ni Juan.
Dumepensa agad ang kanyang opisyal na tagapagsalita na si Attorney Salvador Panelo, ganu’n lang daw talaga ang dating mayor ng lunsod ng Davao, mapagbiro pero wala namang malisya.
Hindi naman kasi sa lahat ng pagkakataon ay matatanggap ng bawat tao ang pagiging playful ng nanalong pulitiko sa panguluhan. May tamang lugar para sa pagseseryoso at may tamang lugar din sa pagbibiro.
Napakametikuloso ng ginagampanan niyang papel ngayon sa ating lipunan, tinitingala siya ngayon bilang magandang ehemplo ng ating mga kababayan, anumang gawin niya ngayon sadya man o hindi ay talagang makukulayan.
Kailangang maging abala ang kanyang mga tagapayo sa pagpapaalala kay Pangulong Digong tungkol sa aspeto ng kagandahang-asal. Para siyang isda sa aquarium ngayon na binabantayan ng buong bayan ang kanyang mga sinasabi at ginagawa. Pinakamatinding pag-iingat ang kailangang masterin ng mauupong pangulo para hindi masayang ang tiwala at pag-asang inaabangan ng mga Pinoy sa kanyang panunungkulan.