Bukod sa ASAP ay napapanood na rin ngayon si Sarah Lahbati sa teleseryeng My Super D na pinagbibidahan ni Dominic Ochoa. Ginagampanan ng aktres ang karakter ni Tiradora na siyang kumakalaban sa bida.
Masayang-masaya si Sarah dahil muli siyang nakabalik sa paggawa ng teleserye. “Masaya ako dahil matagal ko nang hindi nagawa ‘to and I play a villain which excites me also. Kasi I’ve been playing goodie-goodie for a little while now. I love switching things up once in a while,” nakangiting pahayag ni Sarah.
Matatandaang gumanap na rin bilang superhero ang partner ng aktres na si Richard Gutierrez noon sa kabilang istasyon. Binibigyan daw ng payo ni Richard si Sarah kung ano ang mga dapat gawin upang magawa nang maayos ang trabaho ng aktres. “Sabi niya to work out. Actually nagpalaki ako dito sa My Super D. I’ve been lifting heavy weights kasi sling shot ‘yung gamit ko so nagpalaki ako ng arms. He just told me na mag-gym and focus on your form, ask your directors if there is anything bugging you. You know, simple stuff like that,” pagbabahagi ng aktres.
Si Lino Cayetano ang direktor ng nasabing serye at ayon kay Sarah ay hindi na siya nanibago sa trabaho. “Medyo nag-a-adjust lang siguro ako sa fight scenes and heavy Tagalog na malalim. I worked with direk Lino in Ipaglaban Mo so medyo alam ko na kung paano siya sa set. Hindi ako masyadong nangapa and also with direk Frasco (Mortiz), siya naman first time kong makatrabaho,” pagtatapos ni Sarah.
Michael ini-enjoyang relasyon kay Garie
Kamakailan ay inamin ni Michael Pangilinan sa telebisyon na ang anak nina Gabby Concepcion at Grace Ibuna na si Garie Concepcion ang kanyang bagong karelasyon. Naibahagi rin ng singer-actor na napamahal na siya sa ina ng kasintahan dahil sobrang bait nito sa kanya at hindi rin siya nakaramdam ng pagkailang dito.
Hanggang ngayon ay hindi pa raw nakikilala nang personal ni Michael si Gabby at hindi raw siya nakararamdam ng kaba kung sakaling magkita sila ng beteranong aktor. “Hindi pa kami nagmi-meet. Hindi naman ako kinakabahang makilala siya. Kasi wala naman akong ginawang masama. Kung makita ko man sila, siyempre kailangan maayos para respetuhin ka rin nila,” pahayag ni Michael.
Maging ang kapatid sa ama ni Garie na si KC Concepcion ay hindi pa rin daw pormal na naipapakilala kay Michael. “Nakasama ko siya sa show before pero hanggang doon lang. Hindi pa kami nakapag-bond talaga,” kwento niya.
Hanggang maaari ay gusto raw maging pribado ni Michael ang tungkol sa kanilang relasyon ni Garie. “Wala akong itinatago pero hindi ko kailangang sabihin. Okay lang ako na alam n’yo na kami, na masaya kami pero hanggang doon na lang ‘yun. Mas okay na mas private pero lumabas na, nandito na siya. So i-enjoy na lang natin lahat,” giit pa ng singer.