Hindi pa naman siguro dapat seryosohin ang napapabalitang pag-aaway ng mag-asawang Jason Francisco at Melai Cantiveros. Napakabago pa ng kanilang marriage para ito mauwi sa hiwalayan. Mapag-uusapan pa nila ang kanilang problema para hindi humantong sa hiwalayan. Hindi rin naman dapat maging resulta ito ng magandang takbo ng karera ni Melai kumpara sa karera ni Jason.
Anumang kakapusan ng kakayahan meron ang lalaki ay dapat hindi makaapekto sa samahan nilang mag-asawa. Dapat hindi makaramdam ng insecurity ang lalaki kung mas matagumpay man ang karir ng babae. Hindi man maging parehas ang trabaho nila, dapat parehas lang ang maging pagtanggap nila sa kapalarang ibinigay sa kanila ng buhay.
Mark sinusuwerte!
Maswerte na ring maituturing si Mark Herras dahil hindi siya nawawalan ng proyekto sa GMA. Pareho silang dalawa ng girlfriend niyang si Winwyn Marquez na bagaman at forte ang pagiging kontrabida sa mga pogramang kanyang nasasalihan ay bidang bida naman sa puso ng binata.
What was perceived by most as an impossible liaison ay magiging isa palang magandang samahan.
Kasama si Mark sa cast ng seryeng papalit sa Hanggang Makita Kang Muli na Sa Piling Ni Nanay kung saan magtatambal sila ni Yasmien Kurdi kasama sina Benjamin Alves, Katrina Halili at Bettina Carlos.
May isa pa siyang programa sa Kapuso na mapapanood tuwing Linggo, ang Conan My Beautician. Si Megan Young naman ang kapareha niya sa palabas na prodyus ng GMA News and Public Affairs at direksyon ni Adolf Alix, Jr.
Carrot Man at Badjao Girl parang magkakapareho ng kapalaran
Malay nga natin, baka may nakalaang magandang bukas ang local showbiz para kina Carrot Man (Jeyrick Sigmaton) at Badjao Girl. Bagaman at may angking ganda rin ang babaeng taga-Mindanao, setback ang pakakaroon niya ng pamilya’t anak. Unlike the man from the Mountain Province, binata ito at walang maaapektuhang mga anak kapag nagpursige ito sa kanyang pag-aartista.
Pamilya ang mabibiyayaan ng pagpupursige ni Badjao Girl at mga maliliit na anak na umaasa sa kanya. Hindi niya maaring iwan ang mga ito ng matagal. Sana matulad din ang kapalaran niya kay Carrot Man, sana may magbigay din sa kanya ng break para maiiwas siya sa pamamalimos.
Gil Portes gustong tapatan si Direk Brillantes
Ang ganda naman ng titulo ng movie ng kaklase ko sa kolehiyo na si Gil Portes na Moonlight Over Baler. Balak nitong gawing kalahok ang pelikula sa Metro Manila Film Festival (MMFF). Nagtatampok ito kay Vin Abrenica at tungkol sa isang Japanese photojournalist na may malaking pagkakamukha sa isang sundalo na namatay bago maganap ang kasal nito. Ang pagkakahawig ng kabataang photographer sa namatay na sundalo ang naging daan para magkalapit sila ng babaeng sana ay pakakasalan ng sundalo.
Nakuha ni Portes ang inspirasyon para gawin ang istorya sa kanyang ina na iniwan ng kanyang kasintahan para lumaban sa giyera. Hindi na ito nakabalik, pero minsan ay may nakita itong kabataang lalaki sa kanilang lugar na kamukhang-kamukha ng naging boyfriend niya. Malamang makalaban ito ng movie ni Brillante Mendoza sa MMFF na nanalo sa Cannes, ang Ma’ Rosa.