PIK: Karamihan sa nakapanood ng press preview sa pelikulang Tatay Kong Sexy ni Sen. Jinggoy Estrada ay nanghinayang na hindi ito naipalabas agad.
Mas pinuri pa ang pelikulang ito kesa sa ilang local films na kasu-showing lang. Sayang nga dahil natengga pa nang matagal ang pelikula.
Ang simple ng kuwentong pampamilya pero marami ang makaka-relate. Magaling pa rito si Maja Salvador na kahit mahigit dalawang taon nang natengga ay bentang-benta pa rin ang mga eksena at mga pakuwela.
Sa June 1 na ang showing nito.
Magkakaroon ng premiere night bukas, 7 p.m. ang naturang pelikula sa SM Manila. Sana panoorin ito ni Mayor Erap Estrada, dahil maaring tribute na rin ito sa kanya ni Sen. Jinggoy.
PAK: Matindi ang reaksyon sa ipinost ni Mocha Uson sa kanyang Facebook account na tila nagbabanta sa Vice President-Elect Leni Robredo na kailangang igalang daw at sundin ang Incoming President Rodrigo Duterte.
Sabi nito; “Gagalangin ka namin bilang VP ngunit galangin mo ang aming Pangulo. Support him or else we will be forced to remove you from your office.”
Ang epal ng dating ni Mocha sa karamihang nakabasa nito, kaya kung anu-anong panlalait din ang ibinato sa kanya.
Kaya nag-post siya uli nang pagtatanggol sa sarili. Hindi raw na-gets ng mga taong ito ang gusto niyang iparating sa post niyang iyon.
Ang ibig lang daw niyang sabihin na ngayong magiging pangalawang pangulo na ito ng Incoming President Duterte, dapat hindi na raw sa partido nito, o kay outgoing President Noynoy Aquino o kahit sa ka-tandem nitong si Sec. Mar Roxas ang kanyang loyalty.
Sabi niya; “Her LOYALTY should be to out President Duterte and since you are the VP of our country, dapat ang katapatan mo ay sa BAYAN din.”
BOOM: Pinagdududahang scripted na naman itong kumakalat na video ni Baron Geisler na nakaumbagan ang indie actor na si Kiko Matos.
Base sa unang video na kumalat, pinag-aayos sana sina Baron at Kiko sa isang bar, pero biglang sinapak ni Kiko ang aktor kaya nagkagulo na. Sabi pa sa kuwento, ipinagtanggol lang daw ni Baron ang isang waiter na pinagsisigawan daw nitong indie actor.
Pero may lumabas na naman ngayon na isang video na iba naman ang kumuha. Nakunan ang simula ng eksena na kung saan tinawag silang dalawa, para pagbatiin pero sinapak na nga ni Kiko si Baron. Mapapansin ang ilang taong nandun na nagtatawanan at meron pang sumigaw ng “cut!”.
Kaya baka pekeng gulo lang daw ito na kinunan.
Magkakasunod na umbagan video na kinasangkutan ni Baron, pero pinagdudahang palabas lang na hindi alam kung ano ang dahilan.