Mark at Julio sabit sa best actress ni Jaclyn sa Cannes!
Napapanood na ang trailer ng Ma’ Rosa, ang pelikula na nagpanalo kay Jaclyn Jose ng Best Actress award sa 69th Cannes Film Festival.
Kung hindi pa inilabas ang teaser ng Ma’ Rosa, hindi ko malalaman na may special participation sa pelikula ang inaanak ko na si Mark Anthony Fernandez.
Kasama rin sa cast ng Ma’ Rosa sina Julio Diaz at Baron Geisler na parehong laman ng mga balita noong mga nakaraang linggo.
Si Brillante Mendoza ang direktor ng Ma’ Rosa at isa siya sa mga unang nanawagan na tulungan si Julio na kailangang sumailalim sa operasyon dahil sa brain aneurysm. Tagumpay naman ang brain surgery kay Julio pero hindi ito nakadalo sa Cannes Film Festival dahil nagpapagaling pa siya.
Star na star si Jaclyn Jose nang umapir siya sa presscon ng A1 Ko Sa ‘Yo noong Martes.
Pati ang mga security guard ng GMA 7, nataranta nang dumating si Jaclyn na talk-of-the town pa rin dahil sa award na nasungkit niya sa Cannes International Film Festival.
Pinagkaguluhan si Jaclyn ng mga reporter na naghintay sa pagdating niya sa presscon venue. Nag-unahan sila sa pagpapakuha ng litrato na kasama ang best actress ng Cannes Film Festival.
Maligayang-maligaya si Jaclyn sa mainit na pagtanggap sa kanya ng media at ng co-stars niya sa A1 Ko Sa ‘Yo.
Sa totoo lang, si Jaclyn ang pinakabida sa bagong sitcom ng GMA 7. Mala-Jessica Parker siya sa mga publicity material ng A1 Ko Sa ‘Yo.
Kasama sa sitcom si Solenn Heussaff na hindi nakadalo dahil nasa France pa siya. Ikinasal si Solenn noong Sabado kaya nasa honeymoon pa sila ng kanyang asawa.
Parehong nasa France sina Jaclyn at Solenn noong weekend pero sa magkaibang lugar.
Randy at home na at home sa Kapuso
Si Randy Santiago ang direktor ng A1 Ko Sa ‘Yo. Nagpapasalamat si Randy sa pagkakataon at tiwala na ibinigay sa kanya ng Kapuso management.
At home na at home si Randy sa GMA 7 dahil dito nagsimula ang kanyang showbiz career. Co-host si Randy ng noontime show na Lunch Date at kasikatan niya noon bilang singer. Dekada ’80 nang kabaliwan si Randy ng mga kolehiyala dahil sa kanyang hit song na Hindi Magbabago at Babaero.
Naging co-host din si Randy ng another noontime show, ang Salo-Salo Together o SST na tumagal lamang ng dalawang taon sa ere. Ang SST ang ipinalit noon sa Lunch Date na pitong taon din na namayagpag sa telebisyon.
Dating assistant ni Kris yumaman sa branded bags
Maraming salamat kay Gigi Asok Bambroffe dahil sa imbitasyon niya na magbakasyon ako sa Dumaguete City at sa Siquijor.
Apat na araw ang pagbabakasyon ko at ng aking mga kasama na nag-enjoy nang husto. Ang kapatid ni Gigi na si Dondon ang reelected mayor ng Maria, Siquijor kaya lalong naging masaya ang pagdalaw namin sa kanilang bayan.
At dahil bakasyon ang dinayo ko sa Siquijor, natulog lang ako nang natulog sa kuwarto. Ipinaubaya ko sa mga kasama ko ang pamamasyal sa mga tourist spot sa bayan na nasasakupan ng kapatid ni Gigi.
Sa mga hindi nakakakilala kay Gigi, nagtrabaho siya noon sa Regal Films at bilang executive assistant ni Kris Aquino. Ngayon, richie rich na si Gigi dahil siya ang may-ari ng Bagaholics branches sa Metro Manila.
Buy, sell at trade-in ng authentic pre-owned designer bags tulad ng Louis Vuitton, Prada, Chanel, Gucci, Hermes at ibang mga designer bag ang negosyo ni Gigi at isa na lamang si Kris sa maraming mga kliyente niya.
- Latest