MANILA, Philippines – Well, hindi na lang si ex president and Congw. Gloria Macapagal-Arroyo ang naalala sa bayan ng Lubao, Pampanga sa kasalukuyan. Yup, kilala na rin ito dahil sa Pradera Verde, ang 400-hectare wake park.
Ito ang bagong paboritong destination ng wakeboarding enthusiasts na karamihan ay foreigners. At hindi ito malayo sa Manila. Dalawang oras lang nasa Lubao ka na. In all fairness, mas matagal pa ang biyahe from Port Area to Quezon City dahil sa over acting na traffic, kesa magbiyahe ka sa Lubao.
Anyway, noon, pag gusto mong mag-wakeboard dadayo ka pa sa Camarines Sur. Naalala namin, doon madalas si Aga Muhlach sa CamSur dahil nga naadik siya noon sa wakeboarding.
Pero ngayon meron na pala sa mas malapit, ito ngang Pradera. Malinis pa ang tubig kaya puwedeng mag-swimming.
World class ang nasabing wake park na matatagpuan sa barangay Prado sa Poblacion ng Lubao.
Pero under construction pa ang two wave pools ng Pradera Verde bagama’t halos tapos na ang kanilang golf course na ang ginamit na grass ay lahat daw imported para hindi mag-bounce ng malayo ang bola.
Kamakailan din ay ginanap sa nasabing lugar ang Hot Air Baloon kung saan maraming celebrities ang sumali kasama na sina Sarah Geronimo and Matteo Guidicelli.
Nakilala namin si Pampanga Governor Lilia Pineda last weekend sa nasabing lugar. Ayon kay Gov. Lilia na wala palang nakalaban last election, marami pa silang dini-develop na attraction sa Pradera na pag-aari ng kanilang pamilya kasama na ang two wave pools.
“When they are both operational, visitors who are not wakeboard enthusiasts can spend time in the wave pool, maybe learn how to surf or just enjoy the water,” tsika niya.
Meron kasing lagoon para sa gustong matutong mag-wake board. So kahit gusto mo lang maiba ang ginagawa sa weekend, puwede kang mag-try. Ang charge nila is P250 lang per hour. Exciting at masarap mag-try kahit first timer. Since malinis ang water ng lagoon, no worries kahit ilang beses kang sumemplang. Hahaha.
Puwede rin kahit ‘di ka marunong mag-swim basta doble ang susuutin mong vest.
Puwede ang bata, mga 8 to 9 years old kaya nang mag-try kami mga bata ang kasabay namin.
Anyway, bukod sa wakeboarding, noong Sunday na nandun kami ay ginanap ang isang triathlon event (biking, running and swimming).
At ang ginamit nilang swimming area ay ang wake boarding lagoon. Natural umano ang water dahil nang hukayin nila ang lagoon area ay lumabas ang natural water kaya malinis.
Meron silang mga bungalow-type villas na puwedeng mag-accommodate ng four to six persons. Two-bedroom ang bawat villa, with kitchen, two bathroom and living area. Ang bawat villa ay may master’s bedroom with king size bed and single bed. Ang other room ay may three beds. May free wifi and cable HD digibox.
Pagdating naman sa kitchen operations, si Chef Paulo Nasol ang namamahala sa operations. Siya rin ang officer in charge ng buong wake park.
Pero hands on sa operation ang anak ni Gov. Pineda na si Mayor Mylyn Pineda-Cayabyab na 22 years old lang nang manalong mayor sa kanilang lugar. Bale pang-third term na niya ngayon.
Kaya puwedeng-puwede sa buong pamilya na naghahanap ng weekend getaway near Manila.
Hindi rin masyadong expensive, depende kung ilan kayo pero nagsisimula ang rate nila ng P3,500.
Bukod sa Pradera Verde, nakapasyal din kami sa St. Augustine Church na idineklarang Important Cultural Property ng National Museum noong 2013.
Ito ang oldest church sa Lubao na founded noong 1572. Sa ibang barrio umano ito unang itinayo pero inilipat sa kasalukuyang kinatatayuan ayon sa Tourism officer ng Lubao na si Ricky Pablo. Bukod sa mahigit na 440 taon na edad ng simbahan, mas nakaka-amaze ang retablo ng simbahan.
Mahaba ang kasaysayan ng St. Augestine Church na nasa ibang barrio na dating binabaha kaya inilipat sa kinatatayuan ngayon.
Bukod sa St. Augustine Church, ipinasyal din kami (SPEED – Society of Philippine Entertainment Editors with Isah Red of Manila Standard Today as president) sa Sta. Catalina Bamboo Negosyo Village.
Matatagpuan sa nasabing lugar ang isang Bamboo Park at sari-saring produkto na made of bamboo.
Maging ang spare tire o yung mga patapong gulong ng sasakyan ay nagawan nila ng paraan na gawing lamesa at upuan. Ang galing ng idea. Kesa nga naman itapon o sunugin mas napapakinabangan pa.
Maging ang bulateng ginagamit nilang pataba naging malaking tulong din sa mga taga-Lubao.
Kapos ang isang araw o kahit dalawa pa para pasyalan ang Lubao.
Pagbubuntis ni Mariel himala raw!
Itinuturing na himala ni Robin Padilla ang pagbubuntis ngayon ng misis niyang si Mariel. Kahapon kasi ay inamin na ni Mariel sa Showtime na buntis nga siya ng tatlong buwan na kung tutuusin ay more than two weeks pa itong napabalita.
Dalawang beses na siyang nakunan kaya ayon sa action star, sinabihan na sila ng doctor na malamang na hindi na sila magkaanak.
Sinabi rin ni Robin na si Vice Ganda raw ang pinaglilihihan ng kanyang misis.
Nabanggit din pala ng action star na sumaya ang misis niya nang makasama sa Showtime after nitong makunan ng dalawang beses last year.