Walang hindi gagawin si Jake Cuenca para mapagaling ang kanyang pag-arte. Kumuha pa ito ng acting lessons at nagpa-test shot sa New York sa pagbabaka-sakaling maka-penetrate sa Hollywood. Kung hindi siya palarin, at least nadagdagan ang kaalaman niya sa pag-arte.
Isang transvestite ang gagampanan niya sa isang pelikula ni Quark Henares. Kakaiba ito sa ginawa na niya in the past na gay role. Sa bago niyang movie ay asta siyang babae, nakadamit babae at kikilos at magsasalita na parang isang tunay na babae. Bilang paghahanda, nagsimula na siyang magbawas ng timbang, pinahahaba na rin niya ang kanyang buhok.
Napakaikli lamang ng role na ginampanan niya sa Ang Probinsyano pero nag-iwan ito ng marka na mahirap makalimutan ng kanyang mga nakasama sa palabas at maging sa lahat ng manonood.
Gina Alajar handa nang magmalupit
Ngayong pansamantalang iniwan ni Gina Alajar ang pagiging direktor para balikan muli ang pag-aartista, welcome sa kanya ang kontrabida role sa Magkaibang Mundo, ang bagong serye na papalit sa Wish I May nina Miguel Tanfelix at Bianca Umali. Tampok naman sa Magkaibang Mundo sina Juancho Trivino at Louise delos Reyes, ang babaeng tatanggap ng pagmamalupit ni Gina.
Para sa kanyang role ay kinailangan pang baguhin ng direktor ang kanyang hitsura. Pinagupitan at pinakulayan pa niya ang kanyang buhok para makadagdag sa kanyang cruel image. Sa presscon ng serye ay pabirong sinabi ni Gina na talagang gagawin niyang kakaiba ang kanyang portrayal. Balak nga raw niyang talbugan sa pagiging salbahe ang kaibigan niyang si Jaclyn Jose na matagal nang kilala sa pagganap sa mga ganitong role, pero ipinakiusap niyang “Huwag n’yo na kaming intrigahin, magkaibigan kami.”
Ginawa ni Julia Roberts sa Cannes si Regine ang orig
I’m sure mayroon at mayroong gagaya kay Julia Roberts na naglakad sa red carpet ng Cannes Film Festival na walang sapatos at nakapaa lamang. Kung sabagay, una ko nang nakita na gumawa nito si Regine Velasquez. Wala pa noon si Ogie Alcasid sa buhay niya. Naka-long gown siya at kumakanta, pero naka-paa din sa isang episode ng GMA Supershow ni Kuya Germs. Wala namang masyadong nakapansin, matangi lamang sa ilan na nasa itaas ng stage kundi lang itinaas ni Regine ang laylayan ng kanyang gown matapos mag-perform.
Kung paano napayagan si Julia Roberts sa Cannes na walang sapatos at anang marami ay isang “veritable act of femininity” ang siya pa ring usap-usapan dahil sa Cannes kahit flat shoes ay una nang ipinagbawal pero pinayagan din ng mga nasa likod ng filmfest.
Kahit nanalong konsehal Jhong gusto na agad bumalik sa showbiz
Number one pala sa tinakbuhan niyang pagiging konsehal sa 1st district ng Makati ang miyembro ng It’s Showtime na si Jhong Hilario. Gustuhin man niyang bumalik na sa programa ay ayaw siyang payagan ng manager niyang si Direk Chito Roño dahil kailangan muna niyang pagtrabahuhan ang posisyong ipinagkaloob sa kanya ng mga taga-1st district ng Makati. Isa sa proyekto niya ay ang Special Program for Employment of Students (SPES). Layunin niya ang makatulong sa pagbibigay ng trabaho sa mga mahihirap, pero matatalinong mag-aaral at maturuan silang maging public servant.