Masayang-masaya si Angelica Panganiban sa pagkapanalo ni Mayor Rodrigo Duterte sa pagka-Pangulo ng bansa nitong katatapos pa lamang na halalan. Nakatakdang manumpa para sa bagong tungkulin ang pinakabagong Presidente ng Pilipinas sa susunod na buwan. “I’m sure marami namang natuwa ‘di ba? Kitang-kita naman na mas maraming tao ang naging pabor talaga sa kanya sa naging results no’ng eleksyon dahil malayo talaga ang naging agwat niya sa mga nakalaban niya. So siyempre masaya dahil isa ako sa mga naniniwala sa kaya niyang gawin, sa mga sinasabi niya,” nakangiting pahayag ni Angelica.
Aminado ang aktres na nagustuhan niya si Mayor Duterte dahil sa karakter at pagiging palaban nito. “Lahat naman sila talagang kaya naman nilang maging President kaya nga sila tumakbo. Pero ‘yung determinasyon na meron siya at saka ‘yung hindi siya natatakot, wala siyang inuurungan, ‘yung tapang niya,” paglalarawan ni Angelica.
Mayroong mga bagay na natutunan ang dalaga sa naging takbo ng eleksyon ngayong taon. “Natutunan ko siguro ‘yung pagmamalasakit mo sa bansa. Kung saan ka nagtatrabaho, kung saan ka nabubuhay. Kailangan meron kang malasakit at malawak na pang-unawa para magkaroon ka ng tamang kandidato na gusto mong i-endorse at gusto mong iboto,” pagtatapos ng aktres.
Joshua gustong mag-college para makapag-english
Nagbabalak si Joshua Garcia na ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral. Nakatapos na ng high school ang aktor kaya nangangarap na ring makapag-enroll sa kolehiyo habang hindi pa siya masyadong abala sa trabaho. “Gusto kong bumalik habang wala pang ginagawa. First year college na ako, gusto kong mag-Business Management kahit irregular lang. Para matuto rin akong umingles-Ingles. Mahirap ang hindi marunong eh,” nakangiting pahayag Joshua.
Nakararamdam daw ng insecurity ang binata sa tuwing may nakakausap na nakatapos ng kolehiyo. “Palagi kong nae-experience ‘yon. Hindi mawawala ‘yon kasi siyempre kulang ‘yung capacity mo. Mahirap lalo na kapag nakikipag-usap ka, may mga sinasabi sila na hindi ko maintindihan. Kahit sa script, may mga hindi ako maintindihan. Minsan igu-Google mo na lang para malaman mo, mahirap talaga,” pagbabahagi ni Joshua.
Samantala, pinayuhan daw ang aktor ng tiyuhing pari na huwag munang makipagrelasyon at asikasuhin muna ang pag-aartista. “Tama naman kasi siya. Minsan lang dumadating ‘yung ganitong opportunity kaya dapat huwag talagang sayangin. So ‘yon po muna ang gagawin ko. Focus muna ako dito,” giit ng binata.
Isa raw dapat si Josh sa miyembro ng male group na Hashtags na regular na napapanood sa It’s Showtime. Kahit hindi siya naging miyembro ng grupo ay hindi naman daw niya ito pinanghihinayangan. “Kasi parang mas nakikita ng management na mas may opportunity ako sa acting. Natanggal ako no’ng day na mismong ilalabas sila. Nag-pictorial na kami no’n eh, kami-kami dapat ang magkakasama. Siguro kung hindi po ‘yon para sa akin, darating ‘yung time para sa akin,” paliwanag ni Joshua.