Nakakaaliw ang mga kuwento ng kaartehan ng isang singer-actress na produkto ng isang malaking pamilya ng mga artista. Siya na talaga, wala nang iba, bahagya pa lang kunong umaangat sa lupa ang singer-actress ay nuno na siya ng kaartehan.
Palibhasa’y mula nga siya sa pamilya ng mga artista, nakikita niya ang nagaganap sa mundong ginagalawan ng kanyang pamilya, kaya maliit pa lang siya ay buung-buo na sa kanyang utak na mag-aartista siya.
At naganap naman ‘yun, batambata pa ay sumalang na agad siya sa harap ng mga camera, umaarte na siya. Maraming nagalingan sa kanyang acting, alam daw ng bagets ang pinasok niyang trabaho, manang-mana raw siya sa kanyang mga pinagmanahan.
Pero maraming hindi nakakaalam na kung nakaaarte siya bilang artista ay sobrang arte niya naman bilang tao, nang magsabog kuno ng kaartehan ang langit ay gising na gising siya kaya nakasambot siya nang sangkatutak, bata pa ay napakaarte na niya talaga.
Kuwento ng aming source, “Naku, saan ka naman makakakita ng bata na hindi pa nga natututong magsulat at magbasa, e, magaling nang mag-make-up? Korek! Alam na alam na niyang mag-make-up!
“At take note, marunong na rin siyang maglagay ng nail polish sa kaliitan niyang ‘yun! Puro buhay na kulay pa ang gustung-gusto niya tulad ng pula, orange, green at iba pang mga colors na sumisigaw!
“Kung makaharap siya sa salamin, parang gusto na niyang tumira du’n, kaya naiinis ang yaya niya. Ganu’n na siya kaarte kahit bata pa lang siya. At ngayong nand’yan pa rin siya at nag-aartista, hindi pa rin kumukupas ang pagiging temaarts niya!
“Sampalin mo na siya, huwag mo lang papakialaman ang lips niya na punumpuno ng kulapol ng lipstick! Natutulog siyang may kolorete sa bibig, kailangang paggising niya, e, may lipstick pa rin siya!
“Kung kaartehan ang pag-uusapan, kanya ang korona! Walang makaaagaw sa kanya, peksman!” sumpa pa ng aming source.
Ubos!
Rosemarie at mga anak natakot sa karma?!
Nakakalungkot na nang dahil lang sa pulitika ay kailangang magkahiwa-hiwalay ang magkakapamilya. Sinasabing isang araw lang ang eleksiyon, kinabukasan ay iba na ang istorya, kaya maraming lungkot na lungkot nang lumutang ang balita na magpapa-presscon pa ang mag-iinang Rosemarie Sonora, Wowie, at Sheryl Cruz para lang siraan si Senadora Grace Poe.
Naging laman ng lahat ng pahayagan ang pag-uwi sa bansa ni Rosemarie Sonora nang wala man lang pasabi sa nakatatanda nitong kapatid na si Ms.Susan Roces. Last to know pa si Manang Inday, sa ibang bibig pa niya nalaman na umuwi pala ang kanyang kapatid, nalaman din niya ang impormasyon tungkol sa planong pagpapa-presscon ng mag-iina.
Pero mukhang naudlot ang kanilang plano, mukhang nahimasmasan ang mag-iina, idinedenay nila ngayon ang kumalat na balitang puro personal na bira ang kanilang gagawin laban kay Senadora Grace Poe.
Mabuti naman kung ganu’n dahil magiging katawa-tawa lang ang kanilang mga sigaw. Wala silang personalidad na siraan ang tumatakbo sa panguluhan dahil kahit minsan naman ay hindi nila ito nakasama sa isang bubong.
Paano nila maikukuwento ang mga bagay-bagay na wala namang basehan? Kung sana’y nabigyan sila ng pagkakataong mamuhay nang sama-sama? Ang galit na walang basehan ay inggit lang ang dahilan.
Lalo lang silang mapapasama dahil buhay na buhay ang mga kuwento ng kadakilaan ni Manang Inday sa kanyang mga mahal sa buhay. Nang magpunta sa Amerika si Rosemarie Sonora ay si Ms. Susan Roces na ang kumalinga sa mga anak nito.
Sa kabila ng kagandahan ng kanyang puso ay pagpaplanuhan pa siyang sirain pati ang kanyang anak na tumatakbo sa panguluhan?
Teka naman muna. Sa mag-iinang Rosemarie, Wowie at Sheryl Cruz din sigurado ang balik nu’n.