MANILA, Philippines - Pagbibidahan ni Ms. Gloria Romero ang nakaaaliw at nakamamanghang kuwento ng isang lola na nakapagtapos hindi lang sa elementarya, kundi pati na rin sa high school!
Mag-isang namuhay noon si Lola Minang sa Pangasinan matapos isuko ang kanyang karapatan bilang magulang sa kanyang mga anak. Pero nagpursigi siyang abutin ang mga pangarap para muling matugunan ang responsibilad sa pamilya.
Makakabawi pa nga ba siya sa mga nakaraang pagkakamali? Huli na ba para matutunan ni Lola ang mga leksyon ng buhay?
Kasama lamang noon ni Lola sa kanyang simple at munting tirahan ang iba’t iba niyang mga alagang hayop nang dumating sa buhay niya si Duday, ang kanyang apo sa bunsong anak na si Buboy. Sanggol pa lang ito nang kanyang alagaan matapos mamatay ang ina at kinailangang magtrabaho ni Buboy sa Maynila.
Natakot man dahil sa katandaan at pagiging no-read-no-write, sinikap ni Lola Minang na mapalaki nang maayos si Duday. Pero dahil hindi nakapag-aral, nahirapang turuan ni Lola Minang sa mga gawain sa eskwela si Duday. Dahil dito at dahil sa kagustuhan na ring matuto, bumalik sa pag-aaral si Lola Minang. Marami ang natuwa. Pero marami rin ang pumuna.
At hindi inaasahan ni Lola na ang mga anak pa niya ang pipigil sa mga pangarap niya. Pero dahil sa suporta ni Duday, nagpatuloy ng pag-aaral si Lola at nakagraduate ng elementarya.
Dahil tutok noon sa pag-aaral at sa pag-aalaga ng mga mahal niyang hayop, hindi napansin ni Lola na habang lumalaki ang apo niyang si Duday ay lumalayo na pala ang loob nito sa kanya.
Lalo na’t kinimkim nito ang sama ng loob nang malaman na ang kanyang ama ay may iba na palang pamilya. Nagrebelde si Duday. Napabarkada ito at natutong sumuway sa lola.
Para maiiwas sa gulo at matutukan sa pag-aaral, sinamahan ulit si Duday ni Lola Minang sa pagpasok. Ngayon naman, sa high school na pangarap ding matapos ni Lola.
Pati ang mga alagang hayop ni Lola, pinagseselosan na din ni Duday. Dahil pamilya na ang turing ni Lola sa mga alagang hayop, masakit para sa kanya nang mamatay ang alaga niyang kambing na si Bambi. Pakiramdam ni Lola ay sa mga alaga na lang niya naipapakita ang pagiging isang nanay. Dahil hindi naman niya ito nagawa sa mga anak matapos niyang ipaampon ang mga ito noong bata pa, nagkahiwa-hiwalay at hindi na nakatapos ng pag-aaral.
Kaya hiniling ni Lola sa apong si Duday na sana ay hayaan lang nito na maging nanay at lola siya dito. Pero ang matibay na samahan ng mag-lola, susubukin ng isang masamang pangyayaring magdadala ng malaking pagbabago sa pagsasama nila.
Happily ever after pa kaya ang kahahantungan ng samahan nina Lola Minang at Duday, kasama ang mga alaga nila?
Kasama din sa episode sina Tina Paner, Tina Monasterio, Lindsay De Vera, Makee Dulalia, Tonio Quiazon, Paolo Rivero, Geraldine Villamil at Giovanni Baldiserri mula sa direksyon ni Argel Joseph ngayong Sabado (April 2) pagkatapos ng Pepito Manaloto sa GMA7.