MANILA, Philippines - Mahirap ang makatagpo ng isang tunay na kaibigan na laging maaasahan pero paano kung maging “best of friends” ang isang mortal na tao at isang dwendeng may kapangyarihan?
Ngayong Sabado sa Magpakailanman, panoorin ang kamangha-manghang kwento ni Badet – kung paano niya naging bestfriend ang kapitbahay niyang dwende!
Walong taong gulang si Badet nang magkaroon siya ng kaibigang dwendeng puti. Nando ang pangalan ng dwendeng ito. Mabait kay Badet si Nando. Lagi siya nitong binibigyan ng mga pagkain at nakikipaglaro pa sa kanya. Tinutulungan din siya ni Nando sa tuwing may pagsusulit siya sa eskwelahan. Ang tanging pakiusap lamang ni Nando kay Badet ay isikreto nito ang kanilang pagkakaibigan. Dahil dito, inilihim ni Badet sa kanyang mga magulang na sina Ana at Lester na may kaibigan siyang dwendeng puti.
Isang araw, pinayuhan ni Nando si Badet na ‘wag nitong paalisin ng bahay si Lester dahil may mangyayaring masama rito. Gumawa ng paraan si Badet para hindi makapasok si Lester sa trabaho. Kinabukasan, nalaman na lang ng buong pamilya na naaksidente pala ang bus na sasakyan sana ni Lester. Taos-puso namang nagpasalamat si Badet kay Nando dahil sa pagliligtas nito kay Lester.
Minsan, ‘di sinasadya ay nahuli ni Lester si Badet na nakikipag-usap kay Nando. Hindi naniwala si Lester kay Badet; at para tumigil na si Badet sa paniniwala nito kay Nando, sinunog ni Lester ang bahay ni Nando.
Kinagabihan, inapoy na ng lagnat si Badet. Isinugod siya sa ospital. Subalit, hindi tumatalab kay Badet ang mga gamot niya. Hindi rin malaman ng mga doktor kung ano talaga ang sakit ni Badet.
Ang pangyayaring ito na nga ba ang mag-uudyok kina Lester at Ana para paniwalaan si Badet na totoo si Nando? Ano ang kayang gawin nina Lester at Ana para gumaling si Badet? At higit sa lahat, magkabati pa kaya sina Badet at ang dwendeng si Nando?
Itinatampok sina Jean Garcia, Geoff Eigenmann, Neil Ryan Sese at Chlaui Malayao sa direksyon ni Neal Del Rosario pagkatapos ng Lip Sync Battle Philippines sa GMA7.