MANILA, Philippines – Ma-in love ngayong love month sa mga digitally restored at re-mastered na mga pelikula handog ng ABS-CBN Film Restoration at Powerplant Cinemas sa REELive the Classics ngayong Miyerkules (Feb 10) hanggang Martes (Feb 16) sa Power Plant Mall sa Makati.
Sa unang pagkakataon ay ipapalabas ng ABS-CBN Film Archives at Central Digital Lab ang nai-restore nitong 1977 Mike De Leon classic na Kung Mangarap Ka at Magising tampok sina Christopher De Leon at Hilda Koronel na kwento ng estudyanteng si Joey (Christopher) na magkakagusto sa may asawa’t anak na si Anna (Hilda Koronel).
Magkakaroon ng espesyal na red carpet celebrity premiere sa Miyerkules (Feb 10), 7PM, sa Power Plan Mall.
Bukod sa naturang pelikula, tampok din sa unang pagkakataon sa REELive the Classics ang iba pang restored titles tulad ng Minsan Minahal Kita ni Olivia Lamasan tampok sina Sharon Cuneta at Richard Gomez; Kakaba Kaba Ka Ba? ni Mike De Leon tampok sina Charo Santos, Christopher De Leon, at Sandy Andolong; at mga pelikula ni Rory Quintos na Basta’s Kasama Kita tampok sina Aga Muhlach at Dayanara Torres, at Love Me Again tampok sina Piolo Pascual at Angel Locsin.
Para sa schedule, bisitahin lang ang www.facebook.com/filmrestorationabscbn sa Facebook. Ang regular ticket ay nagkakahalagang P230 habang P200 ito para sa mga estudyante.