MANILA, Philippines – Ngayong Sabado, Pebrero 6, tututukan ni Mike Enriquez at ng buong grupo ng Imbestigador ang kaso ng isang “chopchop” victim at aalamin ang plataporma ng mga presidentiable ukol sa isyu ng edukasyon.
Matindi ang hinagpis ni Aling Rosa sa sinapit ng anak niyang si Josefino na pinagsasaksak, “chinopchop”, at ibinaon sa hukay. Si Aling Rosa mismo ang tumutulong sa mga otoridad para puspusang hanapin ang mga itinuturong salarin. Inaabot siya ng magdamag sa pagbabakasakaling matatagpuan niya ang mga suspek.
Magbubunga ang pagsisikap ni Aling Rosa. Kasama ang Imbestigador, mabibingwit na ang isa sa mga pumatay kay Josefino at matutuklasan ang motibo sa karumal-dumal na sinapit ng biktima.
Edukasyon naman ang usaping tatalakayin sa Isyu ni Juan. Sa gitna ng mga naipatupad na pagbabago, may mga kakulangan pa rin sa maraming paaralan sa bansa. May mga umaaray sa mababang suweldo ng mga guro, at may mga mag-aaral na hindi tiyak kung sila ay makakapagtapos dahil sa kahirapan. Ilalahad ng Imbestigador ang solusyon ng mga kandidato sa pagka-pangulo sa mga suliraning ito.
‘Wag palampasin ang Imbestigador ngayong Sabado, pagkatapos ng CelebriTV sa GMA.