PIK: Sa February 19 na ang grand finals ng Tinig ng Maynila na gaganapin sa Rizal Coliseum.
Labindalawang magagaling na singers mula sa iba’t ibang barangay ng Maynila ang maglalaban kung saan makakatanggap ng 500 thousand pesos ang grand winner at 300 thousand pesos ang first runner-up at 200 thousand pesos ang second runner-up.
Singing contest ito kung saan posibleng maka-discover ng bagong singing sensation na taga-Maynila na lalong pasisikatin ng Viva Communications, Inc.
Pero nilinaw naman ni Mayor Joseph Estrada na hindi lang basta singing contest ang Tinig ng Maynila. Sa patimpalak na ito ay mapapakinggan din kung ano raw talaga ang totoong tinig ng Maynila.
PAK: Umabot ng 50 thousand pesos ang nagastos ni Heart Evangelista kahapon nang bigla siyang isinugod sa St. Luke’s Hospital para magpaturok ng anti-rabies at anti-tetanus.
Kalung-kalong ni Heart ang dalawang kuting na kanyang inampon pagpasok niya ng bahay at biglang hinabol ito ng mga aso niya. Nataranta ang dalawang kuting kaya kumapit nang mahigpit kay Heart at nagalusan siya sa dibdib at braso.
Kaya na-late siya ng dating sa contract-signing niya sa Kamuning Bakery kung saan pinirmahan niya ang kontrata sa Veterans Bank bilang bagong endorser nito.
Kailangan daw muna niyang magpa-inject ng gamot para sa anti-rabies at anti-tetanus dahil sa mga sugat na nakuha niya sa dalawang kuting.
Iyak daw siya nang iyak dahil naka-limang shots siya sa gamot na ini-inject sa kanya.
BOOM: Nagpadala na ng statement ang legal counsel ni Cesar Montano na si Atty. Joel Anthony M. Viado.
Ayaw na nilang magsalita pa si Cesar para hindi na daw lumaki pa ang issue. Tahimik lang nga sila nang ibinaba ang desisyon dalawang linggo na ang nakararaan. Kaya ang abugado na lang ang nagbigay ng statement para kay Cesar.
Nakasaad sa statement na hindi naman nakapagbigay ng sapat na ebidensya at walang witness si Sunshine Cruz para tanggapin ng korte ang reklamo laban sa dating asawa.
Bahagi ng statement mula sa kanyang abugado; “Since she did not present a single witness or alleged child victim to support her charges, the Prosecutor vindicated Mr. Montano by dismissing the criminal case for having no basis. The Prosecutor frankly found it unbelievable that Cesar traumatized his children in any way since the latter continued to enjoy their dad’s company, ask for his presence and greet him on holidays/special occasions even after making the allegations against him.”