PIK: May hiling sana si Direk Carlo J. Caparas sa gobyerno ay magawan daw ng paraang maibalik ang komiks.
“’Yung comics industry, kapag hindi tinulungan ng gobyerno na i-subsidize nila, hindi mabubuo ‘yun. Kailangan i-subsidize ng gobyerno ang comics industry.
“Kahit isa man lang na komiks. Kasi si GMA nu’n kaya malapit ako, sinabi niyang gustong buhayin ang komiks, gumawa kami noon ng limang komiks,” pahayag ni direk Carlo J.
Marami pa pala siyang nagawang nobela at mga karakter na puwedeng pasikatin sa komiks, pero wala na nga raw dahil na rin sa digital age.
Hanggang ngayon ay nagagamit pa rin ang mga obra ni direk Carlo J gaya ng Tasya Fantasya na magsisimula na sa February 6 at ang Panday ni Richard Gutierrez na malapit na ring magsimula sa TV5.
PAK: Wala talagang sagot si Lovi Poe pagdating sa isyung break-up nila ni Rocco Nacino. Sinagot lang niya ang kumakalat na kuwentong may kinalaman sa pera ang diumano’y hiwalayan nila.
Unfair naman daw kay Rocco ang isyung iyon dahil hindi naman daw talaga ito totoo. Hindi naman daw siya ang tipong makikipag-joint account sa boyfriend niya kung sakali.
Pero ang isa pang isyu, pinapalabas lang naman daw na break na sila para hindi sila ang laging pinag-uusapan. Career move daw iyon na pinapalabas na break na kunwari, pero hindi naman talaga.
“Well, I don’t want to talk about it, basta kung ano ang nangyari sa aming dalawa, we want to keep it private,” safe pa ring sagot ni Lovi.
Mas gusto niyang mag-focus na lang muna sa ngayon sa mapangahas na concert nila ni Solenn Heussaff na Fantaisie na gaganapin sa Music Museum sa darating na Sabado ng gabi.
BOOM: Hindi pa namin nakuha ang buong detalye, pero kinumpirma sa aming na-dismiss daw ang kasong Rep. Act 9262 o Violence Against Women and Children at ang Child Abuse na isinampa ni Sunshine Cruz laban kay Cesar Montano.
Kahapon lang ito ibinaba ng korte kaya as of presstime kinukunan pa rin namin ng reaksyon si Cesar tungkol dito, pero wala siyang binitiwang pahayag.
Naka-text ni Kuya Lhar Santiago ang aktor, at sinagot lang daw ni Cesar na wala raw muna siyang sasabihin sa ngayon. Mas mabuting ang ibang tao na lang daw ang magsalita para sa kanya.