Magkasunod na ikinasal noong Sabado sina MJ Marfori at Oscar Oida at Pauleen Luna at Vic Sotto.
Nagpakasal din noong Linggo sa kanyang non-showbiz girlfriend si James Macasero aka Moymoy Palaboy.
Ginanap ang pag-iisang dibdib nina James at Diane sa Tagaytay City.
Mga ninong at ninang sa kasal sina Davao City Mayor Rodrigo Duterte, Michael V., Senator Allan Cayetano, Papa Dick Gordon, Regine Velasquez, Ogie Alcasid, former Laguna Governor ER Ejercito at ang misis nito na si Pagsanjan Mayor Maita Ejercito, ang GMA 7 executive na si Marivin Arayata at marami pang iba.
Dahil mainstay ng Bubble Gang si Moymoy, ang mga kasamahan niya sa gag show ng GMA 7 ang mga abay sa kasal nila ni Diane.
Ang kasimplehan ni Papa Rody Duterte ang napansin ng mga bisita dahil black T-shirt with collar na pinatungan ng coat ang outfit niya.
Alonzo hindi nagpaawat
May nagkuwento sa akin na nang-agaw ng eksena si Alonzo Muhlach sa grand caravan show ng TV5 at Viva sa Market! Market! noong Linggo.
Hindi raw nagpaawat si Alonzo dahil ni-request nito na pasayawin siya ng Watch Me Whip Nae Nae at nang malaman niya na hindi available ang CD, pinakanta na lang ng bagets sina Giselle Sanchez at Candy Pangilinan para makasayaw siya.
Ganyan kabibo ang anak ni Niño Muhlach na nagmana sa tatay niya.
Mapapanood si Alonzo sa Ang Panday ng TV5 bilang sidekick ni Richard Gutierrez. Wala si Richard sa grand caravan show ng TV5 at Viva kaya sina Alonzo, Jasmine Curtis Smith, at Bangs Garcia ang nag-promote ng Ang Panday.
Julian at Kylie nagkakaayos na nga?!
Ang buong akala ng cast ng Buena Familia, hanggang January 2016 lang ang extension ng kanilang afternoon drama series sa GMA 7 pero inabot pa ito ng February kaya maligayang-maligaya sila.
Happy rin kaya sina Julian Trono at Kylie Padilla dahil matatagalan pa ang kanilang pagsasama sa Buena Familia?
May mga nagulat sa balita na nagkakamabutihan sina Julian at Kylie na hindi naman nakapagtataka dahil parehong single ang dalawa.
Cogie at Jiro pareho ang pinanggalingan, magkasabay na nagbabalik
Dalawang aktor na nawala sa showbiz ang halos magkasabay na nagbalik, si Cogie Domingo na may special participation sa Buena Familia at si Jiro Manio na mapapanood sa Magpakailanman.
Nagbabagong-buhay na sina Cogie at Jiro kaya irrelevant na balikan pa ang nakaraan nila.
Wish ko lang, seryosohin na nina Cogie at Jiro ang pagbabalik-showbiz at ang pagkakataon na muling ibinigay sa kanila. Masuwerte sila dahil hindi lamang second chance ang natanggap nila.
Parehong mahuhusay na dramatic actor sina Cogie at Jiro. Tiyak na magagamit nila sa mga dramatic scene ang kanilang mga pinagdaanan na pagsubok.
Wowowin daily na
Daily show na ang Wowowin mula kahapon, February 1. Lilinawin ko lang na mapapanood ang game show ni Willie Revillame mula Lunes hanggang Biyernes. Mali kasi ang akala ng iba na from Monday to Saturday ang airing ng Wowowin.
Maganda ang pasok ng 2016 para kay Willie. Perfect din na February 1 nang maging daily show ang kanyang top rating program sa Kapuso Network.