Walang kaibigan at nagtatagal na staff magandang female personality may kakambal na topak!

Ordinaryo na lang ang tinatawag na mood swing o sumpong sa kahit sino. Nasa showbiz man o wala ang tao ay siguradong inaapuntahan ng sumpong o topak sa kolokyal na termino.

May mga taong sa paggising pa lang ay meron nang bad hair day na tinatawag. Wala sa kundisyon, mainit ang ulo, inaapuntahan ng sumpong.

Sa isang umpukan ng mga taga-showbiz ay pinagpistahan ang kakaibang sumpong ng isang maganda pa namang female personality. Maganda siya, popular, pero ayon sa kanyang mga nakakatrabaho ay mahirap ispilengin ang ugali ng magandang personalidad.

Rebelasyon ng isang miron sa umpukan, “Matagal ang topak niya. Mahirap pakibagayan ang ugali niya. May mga pagkakataong sa loob nang maghapon, wala siyang kinakausap na kahit sino sa production. Magsasalita lang siya kapag may itinatanong, pero kung wala, nakakabingi ang katahimikan niya!

“May time namang pagbaba pa lang niya sa van niya, e, para na siyang pulitikong nag-iikot sa location, binabati niya ang lahat, masayang-masaya siya.

“Topakin ang babaeng ‘yun, matindi ang mood swing niya, depende sa lagay ng utak niya kung ano’ng magiging ugali niya sa maghapon. Mahirap siyang ispilengin,” madiing kuwento ng source.

Kaya pala pabagu-bago ang kanyang PA, ang taga-blower ng buhok niya, kaya pala wala siyang mga kaibigang artista. Mapili lang kaya talaga siya o walang nakatatagal sa ugali niya?

“Naku, kapag may sumpong ‘yun, ilag sa kanya ang mga utaw. Nambabara kasi siya. Palaging mainit ang ulo niya. Kakambal na niya ang topak, mahirap talaga siyang katrabaho.

“Alangan namang kapag may topak siya, e, huminto na ang ikot ng mundo? Siya dapat ang makisama, hindi ‘yung siya pa ang pakikisamahan ng lahat! Ano siya, sinusuwerte?” pagtatapos ng miron sa umpukan.

Ubos!

Dahil sa mga pinagdaanan, Claudine mas gumaling pa

Kumbinsido kami na maayos na nga ang relasyon bilang magkaibigan nina Raymart Santiago at Claudine Barretto. Makikita ‘yun sa kabuuang aura ng aktres, ramdam ‘yun sa kanyang pagtatrabaho ngayon, maraming salamat at hindi pa huli ang lahat para makabawi si Claudine.

Nakakakuwentuhan namin ang mga production staff ng Bakit Manipis Ang Ulap na mapapanood na ngayong Pebrero sa TV5 sa pakikipagpareha ng Viva Entertainment. Positibo ang kanilang mga kuwento tungkol sa aktres.

May isang baguhang staff pa nga na nagsabi sa amin na wala palang pinipiling kausapin si Claudine, magiliw siya pati sa mga utility ng production, marespeto siya sa lahat ng nasa set.

“Kapag dumarating na si Clau, bumabati siya sa lahat, very positive ang aura niya, parang hindi siya nawala for a while. Saka ang artistang marunong umarte, magpahinga man, e, magaling pa rin kapag bumabalik na,” papuri pa ng aming kausap sa aktres.

Siguradong bigay na bigay ang pagganap ng mga bida ng serye dahil lahat sila’y may pinagdaanan at pinagdadaanan. Pinakamagaling na guro raw ang karanasan kaya maaasahang walang naging problema ang kanilang direktor sa mabibigat nilang eksena.

Show comments