Ilang buwan nang umiikot ang kuwento tungkol sa pagtabang ng relasyon ng isang sikat na aktor at ng isang pamoso at magandang aktres. Sa alta sosyedad ‘yun unang pinagpistahan bago nakabiyahe sa mundo ng showbiz.
Impluwensiya ng kanyang ex ang pagkakaroon ng mga kaibigan ng aktor sa mundo ng mga shala. Mundo ‘yun ng mga sosyal, mga batambata pang negosyante na kapag natapos ang trabaho ay nagkikita-kita sa isang mansiyon, du’n sila nagba-bonding hanggang sa malapit nang pumutok ang araw.
Maraming beses na nakikipag-bonding ang sikat na aktor sa kanyang mga kaibigan, ang alam ng girlfriend niyang aktres ay nasa taping pa siya, pero ang totoo ay kasama na niya ang mga sosyal niyang kaibigan para sa isang bonggang-bonggang tomaan.
Kuwento ng source, “Maitatago ba naman niya ‘yun, e, kilala rin naman ng girl ang mga kasamahan niya sa show? Para ikatwiran niyang nagte-taping pa rin siya, e, isang malaking kalokohan, napakadaling i-check ng girl ‘yun sa production.
“At buking na siya nang ilang beses, habang sinasabi niyang working pa rin siya, e, nakapag-check na ang girl, tapos na ang taping, na-pack-up na, binibilang ng girl ang mga ganu’ng palusot ng boyfriend niya.
“Isa lang ang ibig sabihin nu’n. Mas masaya ang guy na kasama ang mga friends niya, kesa sa girl na nakakapanghinayang naman ang effort dahil luto nang luto para sa kanya,” pagdedetalye ng aming impormante.
Maraming kaibigan na ng babae ang nagpapayo sa kanya na makipaghiwalay na sa kanyang boyfriend. Para ano pa, samantalang iba naman ang prayoridad ng lalaki, mas mahalaga pa ang kanyang mga kaibigan kesa sa mismong karelasyon niya?
Huling sultada ng aming source, “Masyado kasing martyr ang girl na ‘yun. Naging martyr siya nu’n sa ex niyang aktor, nagpapaka-martyr na naman siya ngayon sa boyfriend niya, alam kaya niyang hindi na uso ang mga martyr ngayon?”
Ubos!
Mga tumulong hindi pa rin kinalilimutan Lala Aunor walang amnesia
Ilang beses nang inilalabas ni Maribel Aunor (miyembro ng dating Apat Na Sikat at dakilang ina ng magaling na singer-composer na si Marion) ang mga kaibigan naming nagbabakasyon ngayon dito mula sa Winnipeg, Canada.
Bitin ang bakasyon nina Rey-Ar Reyes at Neil Soliven, tatlong linggo lang ang kanilang paalam sa opisina nila sa Winnipeg, hindi na sila puwedeng mag-extend.
Masarap katrabaho si Lala, ang mga Pinoy na tumutulong sa kanya kapag may dala siyang show sa Canada ay hindi niya nakakalimutang asikasuhin kapag nandito sa ating bayan, matanaw ng utang na loob at marunong siyang magpasalamat.
Katatapos lang ng concert ni Marion sa Winnipeg, lahat ng kinita sa show ay ipinamahagi na nila sa tatlong institusyon dito sa Pilipinas, ganu’n katinding makisama si Lala at ang kanyang mga anak na sina Marion at Ashley.
“Sa susunod naming uwi, last week of January na kami magpapa-book, para makapanood pa kami ng mga Valentine shows dito,” sabi ni Neil na walong taong-gulang pa lang ay naninirahan na sa napakalamig na Winterpeg (tawag ng mga Pinoy sa Winnipeg dahil sa sobrang lamig ng lugar).
Nakipagkita rin kina Rey-Ar at Neil si AiAi delas Alas. Kasama nitong dumating si Gerald Sibayan para ipakilala sa kanyang mga kaibigan.
Sana nga, lahat ng mga producers ay tulad ni Maribel Aunor na walang amnesia, kung paano siya inaasikaso ng mga kababayan natin sa ibang bansa ay ganu’n ding pag-aalaga ang ginagawa niya kapag nandito ang mga taong nakakatrabaho niya.
At ‘yun ay sa kabila ng kanyang tagumpay bilang negosyante, napaghandaang mabuti ni Maribel Aunor ang kinabukasan ng kanyang mga anak, maingat siya sa pananalapi at napakaparehas sa kanyang mga tauhan kaya patuloy siyang pinagpapala.