Hindi na welcome sa isang beauty salon ang aktres na tinarayan ang tauhan ng sikat na make-up artist. Ang tauhan ang pinapasama ng make-up artist sa taping at ibang mga showbiz commitment ng aktres.
Hindi nagdalawang-isip ang make-up artist na huwag nang pasamahin sa aktres ang kanyang tauhan nang malaman niya ang karanasan ng empleyado niya.
Nagsumbong ang pobreng tauhan sa make-up artist na tinalak-talakan siya ng aktres habang nasa taping sila.
Napahiya at naawa sa sarili ang tauhan na mabait at mapagkakatiwalaan. Dahil sa ginawa ng aktres, nagpasya ang make-up artist na putulin ang lahat ng komunikasyon sa kanya.
Maraming kuwento tungkol sa magaspang na ugali ng aktres kaya walang tumatagal sa kanya. May nababalitaan ba kayo na close friend niya sa showbiz? Wala, dahil pangit nga ang kanyang ugali na hindi nababagay sa screen name niya.
Cesar ginastusan ng TV5 at Viva
Mayaman na businessman ang role ni Cesar Montano sa Bakit Manipis Ang Ulap? kaya ginastusan ng TV5 at Viva Communications, Inc. ang mga eksena niya.
Sa opening scene pa lang, ipinakita agad na nakasakay si Cesar sa helicopter at alam natin kung gaano kamahal ang renta sa helicopter.
Ayaw ng TV5 at ng Viva na dayain ang loyal viewers nila kaya may budget sila para sa mga big scene ng coming soon drama series na tinatampukan nina Cesar, Claudine Barretto, at Diether Ocampo.
Dahil sa aso, Pia sumuway sa protocol
Type ko si Pia Wurtzbach dahil dog lover siya na kagaya ko. Ang lakas ng impact ng litrato ni Pia na nakita ko, ang paglapit at paghimas niya sa aso na naka-duty sa entrance ng Novotel.
Dinedma ni Pia ang protocol para lang batiin ang aso na malapit din sa puso ko. Big factor ang pagiging dog lover ni Pia para mahalin din siya ng ibang mga mahihilig sa mga aso na ‘di hamak na mas loyal kesa mga tao.
Nanghihinayang nga ako dahil hindi ko napuntahan ang bronze monument ni Hachiko sa Shibuya station nang magbakasyon ako sa Japan noong nakaraang linggo.
Si Hachiko ang loyal dog na araw-araw na naghintay sa loob ng siyam na taon sa pagdating sa Shibuya station ng kanyang amo, si Professor Hidesabur Ueno, na hindi niya alam na namatay na.
Totoo at hindi kathang-isip ang mga kuwento tungkol kay Hachiko dahil dokumentado ito. Eleven years old siya nang mamatay noong 1935 at naka-display sa National Science Museum of Japan sa Ueno ang kanyang preserved fur.
Kung alam ko lang na makikita sa National Museum of Japan ang stuffed and mounted fur ni Hachiko, yayayain ko ang mga kasama ko na pumunta sa Ueno.
Dahil sa loyalty ni Hachiko kay Professor Ueno, inilibing ang labi niya sa tabi ng puntod ng kanyang amo sa Aoyama Cemetery, Minato, Tokyo na tourist attraction na rin.