MANILA, Philippines – Magbabalik-telebisyon na ang world class talent search na Pilipinas Got Talent para muling hanapin ang best Pinoy acts sa bansa simula ngayong Sabado (Jan 23) sa ABS-CBN.
Sa pangunguna pa rin ng hosts na sina Billy Crawford at Luis Manzano, ang talent-reality show na minahal ng bansa ay mas pinatindi pa dahil sasamahan ang resident judge, certified starmaker at tinaguriang “the boss” na si Freddie “FMG” Garcia ng bagong judges na kinabibilangan ng award-winning at versatile actress na si Angel Locsin, astig na idol na si Robin Padilla at phenomenal box-office star na si Vice Ganda.
May bagong Kapamilya rin ang PGT na dapat pakaabangan--- ang Golden Buzzer. Kapag may judge na pumindot ng Golden Buzzer, automatic ng pasok ang contestant sa semi-finals.
Noong nakaraang linggo ay umarangkada na ang live auditions sa Kia Theater sa Manila para salain na ang acts mula sa lugar. Sa mga susunod na linggo ay tutungo pa ang PGT team sa iba’t ibang panig ng bansa para mapanood ang iba’t ibang pambato mula sa mga rehiyon.
Unang sumabak sa PH television ang sikat na Got Talent franchise noong 2010 kung saan hinirang na kauna-unahang grand winner ang siomai vendor na si Jovit Baldivino. Muli itong bumalik sa ere noong 2011 para sa back-to-back season 2 and 3 airings kung saan nagwagi ang naiibang singer na si Marcelito Pomoy at singing trio na Maasinhon Trio. Taong 2013 naman ng hiranging grand winner sa season 4 ang online singing sensation na si Roel Manlangit.
Hindi lang sa PGT nagpakitang gilas ang Pinoy acts dahil maging acts sa Asya ay napabilib din nila sa Asia’s Got Talent. Tinanghal na grand winner dito ang shadow act mula PGT na El Gamma Penumbra at pumasok naman na finalist si Gerphil Flores at semi-finalist naman ang Velasco Brothers.
Sino kaya ang tatanghaling pinakamahusay na act para sa ikalimang season?
Tutukan ang Pilipinas Got Talent ngayong Sabado (Jan 23), pagkatapos ng MMK, at Linggo (Jan. 24) pagkatapos ng Rated K sa ABS-CBN.