Isang gabi ay napansin ng nag-uumpukang mga taga-showbiz ang isang taxing paikut-ikot sa mataong lugar. Ilang ulit nilang nakitang huminto pa sa tapat ng bar na kinaroroonan nila ang taxi, may sakay na isang tisoy na lalaki, parang meron silang hinahanap.
Ilang ikot pa at bumaba na ang taxi driver, may itinanong ito sa kanila, meron daw ba silang alam na nakabukas pang bahay-sanlaan?
Alas onse na nang gabi ‘yun, siguradong naghihilik na ang may-ari at mga trabahador ng mga pawnshop, imposible ang itinatanong ng taxi driver sa magkakaumpukan.
Isang becki ang nang-urirat sa taxi driver, “Sino ba ang sakay mo? Kanina pa kasi kayo paikut-ikot? Siya ba ang magsasangla?
Nu’ng una ay ayaw pang sabihin ng taxi driver kung sino ang kanyang sakay, baka raw kasi magalit, kilalang male personality raw ang nagpapahanap sa kanya ng masasanglaan ng mamahalin niyang camera.
Pero sa kakukulit ng grupo ay tumuga rin ang taxi driver, “Kailangang-kailangan daw kasi niya ng pera, kapag naisangla raw namin ang mamahalin niyang camera, e, bibigyan niya ako ng halagang pang-quota ko na sa pagbiyahe ko.
“Wala na raw akong problema sa boundary, siya na raw ang magbibigay sa akin, kaya hanap kami nang hanap ng pawnshop. Si ____(pangalan ng isang tisoy na male personality) ang sakay ko,” pambubuking ng taxi driver.
Naloka ang magkakasama, lukang-luka ang mga ito sa kanilang nalaman, hatinggabi na ay naghahanap pa rin ng mapagsasanglaan ang male personality.
Sabi ng isang nasa umpukan, “Naku, hindi lang siya ang nangangailangan ngayon, siguradong pareho sila ni ____(pangalan ng karelasyong aktres ng tisoy na male personality)!
“Kasi naman, hindi na sila natuto, hanggang ngayon ba, e, ganyan pa rin sila? Hay, naku! Wala silang kadala-dala!” napapailing na komento ng isang miron sa grupo.
Ubos!
Jessa palaban sa bashers ng anak na dose anyos
Isa sa mga dahilan kung bakit hindi na kumandidato uli bilang vice-governor ng Siquijor si VG Dingdong Avanzado ay ang kanyang pamilya. Gusto niyang makabawi sa kanyang mga pagkukulang sa panahon at atensiyon kay Jessa Zaragoza at sa kaisa-isa nilang anak na si Jayda.
Saka wala nang kailangan pang patunayan si VG Dingdong sa kanyang mga nasasakupan sa Siquijor, marami siyang nagawa sa kanyang termino bilang pangalawang ama ng probinsiya, ang kanyang mag-ina naman ang tututukan niya ngayon.
Matagal nang may kumukuha sa kanilang anak para mag-artista, meron na ngang mga record producers na handang tumaya dahil magaling kumanta ang dalagita, pero naging prayoridad ng mag-asawa ang pag-aaral ni Jayda.
Dose anyos na ngayon ang kanilang anak, mukhang gusto na ring kumanta ng dalagita, kaya ayon sa VG Dingdong ay mahalagang palagi nilang nasusubaybayan si Jayda.
Pero hindi pa man ay meron nang nangnenega sa kanilang anak, meron nang mga bashers, kaya umiral ang pagiging nanay ni Jessa. Sa bawat pitik kasi sa anak ay malakas na suntok na ‘yun para sa kanyang magulang. Napapalaban ngayon si Jessa sa social media.
Napakabago at napakabata pa nga naman ni Jayda para makatikim ng mga salitang kumakagat, hinding-hindi ‘yun pababayaang maranasan ng kanyang unica hija, kaya si Jessa Zaragoza ang humaharap ngayon sa mga bashers ni Jayda.
Malinaw ang kanyang paninindigan, walang kasalanan ang kanyang anak sa pagpo-post ng isang retratong kinainisan naman ng mga bashers ng dalaga, kaya siya ang makakalaban ng mga ito.