Sa kabila ng dinanas na gulo at kontrobersya sa katatapos na Metro Manila Film Festival (MMFF), sa halip na ma-turn off ay lalo pang na-inspire ang mga gumawa ng Beauty and the Bestie na muling sumali sa MMFF, tutal hindi pa naman siya pinagsasawaang tangkilikin ng mga manonood, always making them no. 1 sa kabila ng threat ng marami ring magagandang movies.
Bagaman at wala pang opisyal na pahayag ang MMFF sa kung ano talagang pelikula ang nanguna sa takilya, umabot na umano sa kalahating bilyong piso ang kinita ng movie ng mag-bff na Vice Ganda at Coco Martin with JaDine na pinagsama-sama sa MMFF sa unang pagkakataon.
Ginawang dahilan ito ng dalawa para mag-thanksgiving at appreciation party sa ilang myembro ng entertainment media.
Ibinahagi ni Coco ang kanyang good fortune sa marami nating kababayan na nangangailangan ng tulong. Nagsimula na itong maglibot at mamahagi ng tulong. Inuna niya ang mga nasunugan sa Tondo, Maynila na siyang magsisilbing simula ng kanyang journey para tumulong sa mga mahihirap. Lahat ay naniniwala na ang magandang ipinamamalas ng Kapamilya aktor ang pangunahing dahilan kung bakit hindi lamang siya sa TV namamayani kundi maging sa pelikula rin.
Simula nu’ng mag-umpisa ang FPJ’s Ang Probinsyano, hanggang ngayong nakakalimang buwan na ito ng pag-ere, ni minsan ay hindi lumaylay sa rating ang serye na nagpapakita ng kagalingan ni Coco sa larangan ng aksyon.
Si Vice naman ay grateful dahil napakaraming blessings niyang tinanggap at maraming tao ang bumait sa kanya.
“Timing na timing ‘yung movie namin ni Coco dahil naganap ‘yun ng mga panahong kailangan namin ang isa’t isa,” pag-amin ng komedyante na nagsabing binibigyan siya ng Star Cinema ng percentage sa bawat pelikulang gawin niya sa kanila. “Hindi nila ito kailangang gawin dahil artista na nila ako pero, ginagawa nila,” dagdag pa niya.
Ganito kaaga ay naghahanda na ang Star Cinema ng pang-MMFF movie niya. Dala-dalawa ang gagawin niya, pero isa lamang ang makakasama sa MMFF. Ito ang pagsasamahan nila ni Daniel Padilla. Gaganap sila ng role ng magkapatid. Ngayon pa lamang ay excited na siya sa project na hinuhulaan ng lahat na nagbabalik kay Daniel ng kasikatan niya na sinasabi ng marami na naglalaho na. Ganun?!
Ate Vi nag-effort sa ginawa nila ni Angel
Hindi maitatatwa na ang unang pelikula na pagsasamahan ng magbiyenang hilaw na sina Gob. Vilma Santos at Angel Locsin ang maituturing na pinakamagandang buwena manong pelikula ng 2016. Walang nakapanood ng trailer ng movie ang hindi na-impress sa galing na ipinamalas ng dalawang artistang babae na tila ibinigay na sa kanilang mga roles ang pinakamagaling nilang pag-arte. I’m sure nag-effort ang gobernadora para hindi masapawan ng kanyang magiging manugang na tila mas pinagaling ng hamon na makakatunggali niya hindi lamang ang Star For All Seasons kundi maging ang ina ng kanyang nobyo. Kailangan nga namang magpakitang-gilas siya. At si Vi, papayag ba naman itong mataob ng isang mas bata sa kanya at posible pang maging asawa ng kanyang anak?
Ang pelikula ay isang matagumpay na effort ni Bb. Joyce Bernal na makagawa ng isang magandang comeback movie para sa gobernadora. Epektibo rin ang ginawa paglalayo sa tatlo (Vi, Angel, Xian Lim) para hindi sila magkaro’n ng closeness at ma-achieve niya ang estrangeness sa tatlo niyang bida na ayaw ang isa’t isa sa pelikula.
Ang Everything About Her ay unang proyekto ni Xian Lim bilang isang dramatic actor at hiwalay sa matagumpay nilang loveteam ni Kim Chiu.
Solenn nahihirapang mag-explain
Sabi na nga ba eh. Ngayon, nagpapakahirap si Solenn Heussaff na itanggi na may asawa na siya. Kung bakit naman kasi nagkaron ng announcement dito, eh may dalawa siyang pelikula na nakatakdang ipalabas.
Siyempre lahat ng nag-iilusyon sa kanya ay mawawalan ng gana na makita siya dahil hindi na siya available, taken na siya. Sana nga meron siyang nakumbinse na dalaga pa siya. Para naman kahit paano ay magtagumpay ang movie niya.