MANILA, Philippines - “Napapanahon na kasi. Kailangan na talagang ma-strengthen, mapag-ibayo ‘yung pagpapaalala sa mga kababayan natin na dapat magkaroon ng tamang eleksyon.”
Ito ang sagot ng multi-awarded Kapuso comedy actor na si Michael V kung bakit siya na-inspire na maging bahagi ng election advocacy campaign ng GMA 7 na Dapat Tama!
Noong nakaraang Biyernes (Enero 15), ipinalabas sa 24 Oras ang music video ng pinakabagong jingle ng Dapat Tama!
Dito, makikita si Bitoy sa kanyang miting de avance na kinunan sa tapat ng Quiapo Church. At imbes na agenda sa pulitika, ang isinusulong ni Bitoy sa Dapat Tama! jingle ay ang kahalagahan ng tamang pagboto sa darating na eleksyon.
Layunin ng Dapat Tama! na maunawaan ng publiko ang kahalagahan ng pagboto sa pamamagitan ng pagtuturo sa mga ito ng tamang pagkilatis sa mga tumatakbo ngayong eleksyon.
Pero kung si Bitoy ang tatanungin, hindi lamang para sa mga botante ang tagline ng advocacy campaign na “Dapat Tama…sa isip at salita, lalung-lalu na sa gawa!”. Para rin ito sa mga kandidato.
Ang voter education campaign na Dapat Tama! ay nagmula sa konsepto ni Jessica Soho at binuo ng GMA News and Public Affairs para sa Midterm Senatorial Elections noong 2013.
Kasama si Gloc 9 sa lumikha ng jingle para rito at siya rin ang umawit ng unang version na nagwagi ng ilangawards tulad ng 2013 CMMA Best Secular Song and Best Music Video, 2014 New York Festival Bronze World Medal for Music Video, at 49th Anvil Awards Merit Honors.