Tatay mula Davao, kauna-unahang ‘Tawag ng Tanghalan’ semi-finalist

MANILA, Philippines - Pinabilib ni Dominador Alviola, Jr. mula Mati, Davao Oriental ang madlang people at mga hurado sa kanyang angking galing sa pagkanta kaya naman itinanghal siya bilang kauna-unahang semi-finalist ng Tawag ng Tanghalan sa It’s Showtime kamakailan.

Limang araw na naghari sa entabado ang Ulirang Tatay ng Davao at na­ging kinatawan ng Mindanao. Gamit ang kanyang malamig na tinig, unang ginulat ni Dominador ang mga manonood sa kanyang pagbirit sa kanta ni Tom Jones na I Can’t Stop Loving You. Ang kantang One in a Million You naman ni Larry Graham ang nagrurok sa kanya bilang kauna-unahang semi-finalist ng nasabing patimpalak.

Samantala, kakaibang saya naman ang dala ng mga umuupong hurado sa nagbabalik na singing competition. Pinangungunahan ito ng Legendary Singer-Songwriter at Punong Hurado na si Rey Valera. Kasama rin niya ang 13-week Tawag ng Tanghalan Defending Champion and Today’s premiere Director and Starmaker na si Bobot Mortiz at ang Total Entertainer na si Rico J. Puno.

Bukod sa tatlong OPM legends, kasama ding kumikilatis sa contenders ang Pinoy Dream Academy’s first Grand Star Dreamer and Philippine’s Pop Rock Princess na si Yeng Constantino; ang OPM and Showbiz Royalty na si Karylle; ang first-ever The Voice of the Philippines Grand Winner na si Mitoy Yonting; at ang Singer, Composer and Acoustic King na si Nyoy Volante.

Hindi rin naman magpapahuli sa pagdala ng good vibes ang Singer, Recording Artist, Comedienne, Host at Bipolar Diva ng Tawag ng Tanghalan na si K Brosas at ang dating kontesera at ngayon ay Queen Mother ng Tanghalan na si Karla Estrada.

Show comments