AlDub Concert at Valentine movie malabo pa
Malapit na namang magtapos ang buwan ng Enero 2016 pero naghihintay pa rin ang AlDub Nation sa future major projects na pagsasamahan ng 2015 phenomenal stars na sina Alden Richards at Maine “YayaDub” Mendoza matapos ang kanilang matagumpay ng Metro Manila Film Festival (MMFF) movie na My Bebe Love na pinangunahan nina Vic Sotto at AiAi delas Alas at idinirek ni Jose Javier Reyes.
Hindi man nagtagumpay ang actor-turned concert producer na si Joed Serrano na makuha ang serbisyo pareho nina Alden at Maine for a Valentine concert, umaasa ang fans ng AlDub na magkakaroon ng major happening sa dalawa sa buwan ng mga puso.
Hindipa rin klaro ang kanilang gagawing pelikula na silang dalawa mismo ang mga pangunahing bida.
Walang Tulugan... masaya pa rin kahit wala na si Kuya Germs
Nakapag-taping last Friday evening ng dalawang episode ng Walang Tulugan with the Master Showman na dinaluhan ng superstar na si Nora Aunor at maraming miyembro ng That’s Entertainment at kasalukuyang members ng Walang Tulugan…
Except for some emotional scenes, naging masaya ang reunion sa Walang Tulugan ng mga miyembro ng That’s Entertainment na pinangunahan nina Vina Morales, Keempee de Leon, Sheryl Cruz, ang mag-asawang Romnick Sarmenta, at Harlene Bautista, Don Umali, Jojo Abellana, Jennifer Mendoza, Jennifer Sevilla, Marilyn Villamayor, Maricel Morales, Ricky Rivero, Smokey Manalo, JB Sampedro, at napakarami pang iba na ang iba sa kanila ay hindi ko na matandaan ang mga pangalan. Karamihan sa kanila ay na-maintain ang pero mas marami sa kanila ay nagsitabaan na at iba na rin ang mga hitsura.
Noong nabubuhay pa ang Master Showman na si Kuya Germs, isini-celebrate niya ang anniversary ng That’s Entertainment sa kanyang long-running late night Saturday show na Walang Tulugan tuwing buwan ng Pebrero. But this time ay napaaga ang reunion ng grupo dahil sa hindi inaasahang pagyao ni Kuya Germs.
Ang That’s Entertainment ay tumagal sa ere ng sampung taon (1986 to 1996) at nagkapaghatid ng naparaming stars ngayon. Nariyan sina Lea Salonga, the late Master Rapper na si Francis Magalona, Piolo Pascual, Billy Crawford, Vina Morales, Ruffa Gutierrez, Sheryl Cruz, Manilyn Reynes at napakarami pang iba.
Ang mga talent ng That’s Entertainment ay labas pa sa mga naging anak anakan ni Kuya Germs sa kanyang mga programa noon tulad ng Germcide, Germspecial, GMA Supershow hanggang sa kanyang Walang Tulugan na sina Sharon Cuneta, Zsa Zsa Padilla, Dawn Zulueta, Jam Morales, Lani Mercado, Gretchen Barretto, Maricel Laxa, Jackie Lou Blanco, Mariz at iba pa.
Sa pamamagitan ng That’s Entertainment, si Kuya Germs lamang ang nakapagbigay ng “on the air workshop” sa lahat ng mga naging talents ng programa na lahat ay nagtiyaga sa baryang honorarium na ibinigay sa kanila ng Master Showman.
Hindi mapapantayan ng pera ang pag-aalaga at live training na ibinigay ni Kuya Germs sa kanyang mga naging alaga sa That’s Entertainment nung ito’y nabubuhay pa.
Kaya ganoon na lamang ang labis na pagkalungkot ni Kuya Germs nang mawalasa ere ang programa. “Iniyakan ni Papa (Germs) ang pagkawalang That’s Entertainment,” pahayag ng kaisa-isa nitong anak na si Federico Moreno.
Samantala, walang bahid ng kalungkutan ang nangyaring unang taping ng Walang Tulugan na wala ang pillar nitong si Kuya Germs dahil ito ang gusto niyang mangyari. Na maging masaya ang lahat kahit wala na siya.
- Latest