Ngayong tanghali ay magsisimula na sa Kapamilya network ang teleseryeng Be My Lady na pinagbibidahan nina Erich Gonzales at Daniel Matsunaga. Nakararamdam daw ng pressure si Erich kung tatanggapin din ng mga tagahanga ang tambalan nila ng kasintahan katulad sa pagtanggap ng mga manonood sa ibang tambalan sa ABS-CBN. “I think it’s good para hindi ka kumalma or parang kumampante. Para mas ma-push mo pa ‘yung sarili mo kung hanggang saan or kung ano ‘yung makakaya mong ibigay. When it comes to edge sa ibang love teams, we’re not here to compete with them. We’re just so blessed na nangyari na nagkataon na magkatrabaho kami. ‘Yung concept na ito, nabuo na ito even before naging kami. We’re just being real,” nakangiting pahayag ni Erich.
Malapit daw sa katotohanan ang istorya ng bagong serye kaya makapagbibigay ito ng aral at inspirasyon sa marami nating kababayan. “Huwag kang matakot magmahal dahil porke’t magkaibang lahi kayo, hindi na kayo magiging click o magiging okay. Kasi pagdating sa pag-ibig, wala namang lengguwahe ‘di ba? If two people are meant to be together, love will find a way for them to be together,” giit ng aktres.
Samantala, napababalitang nag-prenuptial pictorial na diumano sina Erich at Daniel noong nagbakasyon ang dalawa sa Bali, Indonesia kamakailan. “Hindi po ‘yun pre-nup. Siguro nagkataon lang kasi na maganda ‘yung scenery, maganda ‘yung mga background. We don’t want to rush something that we want to last forever ‘di ba? So we’re just taking our time,”paglilinaw ng aktres.
Coco kabisado nang i-direk ang sarili
Bukod sa pagiging magaling na aktor ay gusto na rin daw subukan ni Coco Martin ngayong taon maging isang direktor. “Gusto ko po sanang makapagdirek. Kasi siguro nga ‘yung creativity ko mas magagawa ko, mas ‘yung detalye. Siguro during the indie days ko hanggang ngayon po talagang nag-aaral ako. Matanong po kasi ako lalung-lalo na ‘pag nandoon ako sa trabaho ko,” bungad ni Coco.
Mabusisi si Coco sa bawat detalye ng proyektong kanyang ginagawa kaya naisipan ng aktor na pasukin na rin ang pagdidirek. “Kung merong mag-aalaga at magpoprotekta sa bawat proyektong ginagawa ko, dapat unang-una ako. Kasi inaalam ko kung ano ang gusto ng taong nanonood sa akin and ‘yun ang ibinibigay ko sa kanila,” paliwanag ni Coco.
Marami-raming independent films na ang pinagbidahan ng aktor noon. Ngayon ay gusto raw magdirek ni Coco ng isang indie film na siya rin ang gaganap bilang bida. “Honestly meron po akong concept ng indie. Kasi sa mundo ng TV at mainstream, mas kabisadung-kabisado ko po kasi ang indie. Parang drama, it’s about the two brothers. ‘Yung mga indie ko po minsan kapag ngarag na po kami, kinukuha ko na ‘yung isang camera man. Talagang nagsu-shoot na po akong mag-isa para makabawas na sa eksena and then kabisado ko pong i-direk and sarili ko,” pagbabahagi pa niya.