Isa si Vice Ganda sa magiging bagong hurado para sa Pilipinas Got Talent season 5 na magsisimula na sa January 23. Makakasama ng komedyante sina Angel Locsin, Robin Padilla, at ang orihinal na hurado ng nasabing reality show na si Freddie Garcia. Handang-handa na raw si Vice na harapin ang lahat ng contestants na magpapakita ng iba’t ibang talento sa kanilang programa. “Ready na akong magkaroon ng isang fun time with them. Fun experience ang gusto kong magkaroon dito sa PGT. ‘Yung isang act na makaka-affect sa akin, ‘yung mata-touch niya ang puso ko, mata-touch niya ang kaluluwa ko. Hindi lang ‘yung mabubusog ang mga mata ko at mga tainga ko,” bungad ni Vice.
Ang komedyante raw ang mukhang pinakaistriktong hurado ayon kay FMG. “Kasi ang tagal na rin akong napapanood na mag-judge ng mga tao. Siyempre ang laki din ng papremyo nila, gusto ko ring maging deserving naman ‘to. Ayokong maging “Pilipinas Got Awa” itong palabas namin. Gusto ko talaga talent, talagang deserving talaga na lahat ng nakakapanood na magdesisyon na tama talaga ‘yung napili namin, at lahat mapapa-clap, clap, clap, champion,” paliwanag ni Vice.
Naging madali rin sa kanya ang pagiging hurado dahil malapit niyang mga kaibigan ang mga kasamahan sa programa. “Okay naman kasi even before this, close naman kami ni Angel. Okay naman kami ni Robin, okay din kami ni FMG. Siyempre hindi ko naman nakakatsikahan lagi pero okay naman kami. Nagkaroon naman kami ng parang team building. Parang we spent a few hours para magkatsikahan, okay naman kami,” pagbabahagi ni Vice.
Denise at BF dalawang taon nang hindi makapili ng petsa ng kasal
Nangangarap ang Your Face Sound Familiar season 2 champion na si Denise Laurel na magkaroon ng sariling album ngayong taon. “I’ve always wanted to, hopefully this year, mas possible siya. I get to do a lot more singing at I don’t have to give up acting. Sana pareho ko silang magagawa,” nakangiting pahayag ni Denise.
Samantala, matatandaang 2013 pa na-engage ang aktres sa kasintahang basketbolista na si Sol Mercado pero hanggang ngayon ay wala pa ring plano kung kailan na mangyayari ang kasalan. “Siguro kasi ang daming nangyayari sa buhay. I really have to make it a point na mamili na ng date and I did promise na after Your Face, I would sit down and really like try and pick a date. Ang hirap lang kasi, ang laki ng pamilya ko tapos ‘yung pamilya niya nasa States. Tapos ‘yung schedule niya at schedule ko, so parang ang daming factors na kailangan naming isipin,” paliwanag ni Denise.
Gusto raw ng aktres na maging simple lamang ang magiging selebrasyon ng kasal nila ng kasintahan. “Hindi naman ako ‘yung mabongga na tao, although sa tingin nila dahil sa mga roles na ginagampanan ko dati na gano’n ako. Hindi talaga, simple lang ako,” giit pa niya.