Pinakatagu-tagong edad ni Kuya Germs ibinuko ng anak!

Up to the very end ay itinago ni German “Kuya Germs” Moreno ang kanyang tunay na edad at nabuko lamang itong 82 years old na nang siya’y sumakabilang-buhay.

Sabi nga ng kanyang kaisa-isang anak na si Federico Moreno, kasama ang Papa ko sa dagdag bawas dahil sampung taon ang kanyang ibinawas sa kanyang tunay na edad.”

Kapag tinatanong si Kuya Germs sa kanyang tunay na edad nung ito’y nabubuhay pa ay consistent siya sa kanyang sagot na “same as yesterday” sabay tawa.

Sa magkahiwalay na necrological rites kay Kuya Germs na ginanap sa Our Lady of Mt. Carmel Shrine kung saan siya ibinurol ng apat na gabi at sa kanyang home studio sa GMA nung January 13, ibinuko ni Federico ang lihim ng kanyang ama na hindi lamang ang tunay na edad nito kundi maging ang itinagal nito sa showbiz na mahigit 60 years na sa halip na mahigit 50 years lamang.

Kung matatandaan pa, Kuya Germs celebrated his 50th year in showbiz in 2013 na ginanap sa Resorts World Manila. ‘Yun pala dapat ay 60th year na niya.

Naging malihim man si Kuya Germs sa kanyang tunay na edad ay may sarili siyang dahilan pero hindi ito naging hadlang sa kanyang patuloy na pagtuklas at pagtulong ng mga kabataan na nagnais na matupad ang kanilang mga pangarap.

Napaka-workaholic ni Kuya Germs up to the very end. Kahit hindi pa siya gaanong magaling sa kanyang unang atake sa puso noong January 2, 2015, pinilit niyang bumalik sa kanyang trabaho kaagad matapos ang ilang buwang pahinga. Una niyang binalikan ang kanyang daily radio program in April 2015 at sa kanyang long-running late night show na Walang Tulugan with the Master Showman in June.

Sa pangunguna ni Manay Ichu Vera Perez-Maceda, panganay na anak ng yumaong Dr. & Mrs. Jose Perez ng Sampaguita Pictures, nabuo ang “Sampaguita Night” sa huling lamay kay Kuya Germs sa Our Lady of Mt. Carmel Shrine ng pinangunahan nina dating Sen. Ramon Revilla, Sr. at Gloria Romero na dinaluhan din ng iba pang mga veteran actors tulad ng mag-asawang Ro­bert Arevalo and Barbara Perez, Daisy Romualdez, Romeo Vasquez, Eddie Gutierrez, Romeo Rivera, Pepito Garcia, Boy Alano at iba pa.

Seven years ago ay inatake na rin sa puso ang ama ni Sen. Bong Revilla pero sa kabila ng kanyang kalagayan at malayong inuuwian sa Cavite ay nakuha nitong magsakripisyo para lamang makarating sa huling lamay (sa Mt. Carmel) kay Kuya Germs at sa Sampaguita reunion. Nakuha rin nitong mag-share ng kanyang masasayang ala-ala with Kuya Germs at sa Sampagutia Pictures.

Nakakatuwang tingnan ang mga dating kasamahan ni Kuya Germs sa Sampaguita Pictures dahil may kani-kanya silang mga masasayang kuwento at karanasan sa yumaong Master Showman at star builder na si Kuya Germs na parating present sa kanilang mga past reunions.

Si Kuya Germs ay itinuring nang kapamilya ng Vera-Perez Family na hindi nagpabaya sa mga panahong kailangan sila nito.

Samantala, kumpleto ang mga executive ng GMA 7 sa necrological rites ni Kuya Germs sa Studio 7 ng GMA Annex Bulding na pina­ngunahan ng Chairman-CEO na si Atty. Felipe Gozon. Naroon din ang maraming talents at artista na tinulungan ni Kuya Germs, mga kasamahan sa industriya, si Sen. Bongbong Marcos at marami pang iba.

Napakaganda ng ayos ng stage kung saan nasa sentro ang mga labi ni Kuya Germs at prominent ang telon na kulay pula bilang pagkilala at pag-alaala sa pinagmulan ni Kuya Germs sa dating Clover Theater bilang isang telonero. Napakaganda rin ng mga flower arrangements ng stage at hindi ito nagmukhang lamay.

Natitiyak namin na masa­yang-masaya si Kuya Germs sa kanyang pagyao dahil hindi nabalewala ang kanyang mga sakripisyo at pagtitiyaga dahil ito’y nakaukit na sa puso’t isipan hindi lamang ng publiko kundi laluna sa mga taong kanyang natulungan sa maliit o malaki mang paraan.

Si Kuya Germs ay inihatid na sa kanyang permanenteng himlayan sa Loyola Memorial Park sa Marikina City kahapon ng umaga pagkatapos ng 9:00 a.m. mass sa Studio 7 ng GMA.

Samantala, bakit kaya hindi i-immortalize ng pamunuan ng GMA ang pangalan ni Kuya Germs at ipangalan sa kanya ang Studio 6 ng GMA na siyang studio ng kanyang long-running late-night show na Walang Tulugan with the Master Showman?

Kuya Germs was the most loyal Kapuso talent ng GMA at isa sa naging instrumento sa paglago ng TV station sa kanyang kinatatayuan ngayon.

Show comments