Gawin nating totoong festival ang MMFF, ‘wag lang pagkakitaan – John Lloyd

Dumalo sa pagdinig ng Kamara ang aktor na si John Lloyd Cruz kung saan tatalakayin ang pagkadiskwalipika ng kaniyang pelikulang "Honor Thy Father" sa Best Picture category ng Metro Manila Film Festival. Instagram/Star Magic

MANILA, Philippines – Nanawagan ang ABS-CBN star John Lloyd Cruz para sa mas makabuluhang mga pelikula kasunod ng kontrobersya na inabot ng kaniyang Metro Manila Film Festival (MMFF) entry na “Honor Thy Father.”

Hinikayat niya ang industriyang kinabibilangan niya na maging tahanan ng mga importanteng pelikula ang taunang MMFF.

 “It’s about time na gawin nating totoong festival ang Metro Manila Film Festival,” wika ni John Lloyd sa “Tonight with Boy Abunda” kagabi. “Hindi siya parang venue para lang pagkakitaan.”

Patuloy pa ng aktor: “Balik natin ang panahon noon, na ang pinapalabas natin ‘yong mga importanteng pelikula.”

Nasabi ito ni John Lloyd matapos madiskwalipika ang kaniyang co-produced na pelikula para sa Best Picture award ng MMFF.

Kasalukuyang iniimbestigahan ng Kamara ang kuwestiyonableng pagdiskwalipika ng pelikula matapos maghain ng resolusyon si Laguna Rep. Dan Fernandez.

Kahapon ay dumalo mismo si John Lloyd sa pagdinig.

Iginiit nila na hindi sila naghahabol ng parangal ngunit nais lamang nilang malinawan sa pangyayari.

“I’m not saying na kung hindi kami nadisqualify,  mananalo kami. We don’t know that. Wala namang nakakaalam nu’n e. Pero ang alam ko lang dahil sa disqualification natanggalan kami ng opportunity, ng pagkakataon para malaman kung paano magperform 'yung aming pelikula sa panlasa nila,” wika ni Cruz sa pagdinig.

Sinabi ng executive committee na diniskwalipika ang Honor Thy Father dahil ipinalabas na ito bilang opening film ng Cinema One Originals film festival noong Nobyembre.

Paliwanag naman ng kampo ng pelikula na isang beses lamang ito at hindi sila nagbenta ng ticket taliwas sa patakaran ng MMFF upang madiskwalipika.

 “Ito ang mundo na ginagalawan namin, importante ito sa amin, para sa kultura ng Pilipinas.”

 

Show comments