Walk of Fame itutuloy ng anak ni Kuya Germs

Ngayong umaga ng Miyerkules, January 13 ililipat ang mga labi ng showbiz icon na si German “Kuya Germs” Moreno sa Studio 7 ng GMA for an overnight vigil bago ito ihatid sa kanyang huling hantu­ngan sa Loyola Memorial Park sa Marikina City.

Pagkatapos ng 10:00 a.m. mass sa Our Lady of Mt. Carmel Shrine sa New Manila, Quezon City kung saan ibinurol si Kuya Germs sa loob ng apat na gabi, idadaan siya sa harap ng dating Vera-Perez Compound kung saan nakatayo ang dating home studio ng Master Showman, ang Sampaguita Pictures. Idadaan din ang mga labi ni Kuya Germs sa kanyang bahay sa Valencia St. in Quezon City bago ituloy sa Studio 7 ng GMA.

Kung pagbabasehan ang mga taong nagbigay-pugay kay Kuya Germs, tila nagsibabaan lahat ng mga bituin sa la­ngit.

Ang Kapamilya heartthrob na si Piolo Pascual ay hindi rin nakalimot magbigay ng kanyang huling respeto. Si Piolo ay nagsimula ng kanyang showbiz career sa pamamagitan ng youth-oriented program ni Kuya Germs sa GMA, ang That’s Entertainment na pinagmulan ng napakaraming stars sa kasalukuyan. Sinamahan si Piolo ng big bosses ng Star Magic, ang talent management ng ABS-CBN na sina Johnny Manahan at Ma­riolle Alberto. Dumating na naka-wheelchair si Gng. Celia Diaz-Laurel kasama ang anak na si Victor “Cocoy” Laurel. Hindi rin nakalimot si dating First Lady at Rep. Imelda Romualdez-Marcos at dating Presidente at ngayo’y mayor ng Maynila na si Joseph “Erap” Estrada, movie queen Susan Roces, Gloria Romero, AiAi delas Alas, ang Megastar na si Sharon Cuneta kasama ang mister na si da­ting Sen. Kiko Pangi­li­nan, Star for All Seasons Vilma Santos, ang mag-asawang Tacloban mayor Alfred Romualdez at Kring-Kring Gonzales-Romualdez, Dawn Zulueta at napakarami pang iba.

Ang pagbuhos ng mga nakiramay mula sa iba’t ibang sector ay tanda kung gaano ka well-loved ang namayapang master showman at star-builder na ang mahigit na 50 taon ay kanyang ibinuhos sa kanyang pagtulong sa industriya laluna sa mga kabataang nangarap na mapasok at makilala sa showbiz.

Ang maganda, nangako ang kaisa-isang anak ni Kuya Germs na si Fede­rico Moreno na ipagpapatuloy umano niya ang annual project ng kanyang yumaong ama na Stars Walk of Fame sa Eastwood City tuwing December 1 sa pamamagitan ng German Moreno Foundation na nakatakdang itayo nito.

Tutulong naman umano si QC Mayor Herbert Bautista na maisakatuparan ang matagal nang pinangarap ni Kuya Germs na gawing City of Stars ang Quezon City.

At malamang na tumulong din si Mayor Erap na muling ma-restore ang isa sa mga landmarks ng Maynila, ang Metropolitan Theater, isa sa mga pinangarap din ni Kuya Germs na maibalik.

Veteran TV icon na si Mahal, namaalam na rin

Kung ang showbiz icon na si Kuya Germs ay yumao nung early morning ng January 8, araw ng Biyernes, kinabukasan ng umaga, 7:40 a.m. ng January 9 ay sumakabilang-buhay naman ang isa pang veteran TV icon, ang singer-actress at public service TV host na si Cielito “Mahal” del Mundo na binawian ng buhay sa Phoenix, Arizona, U.S.A. dahil sa massive stroke at brain tumor.

Apat na araw sa pagamutan si Mahal (Cielito) bago ito tuluyang na­maalam.

Si Mahal ay kilala sa pagiging co-host ng veteran radio and TV host at dating senador na si Orly Mercado sa longest-running public service show on GMA, ang Kapwa Ko, Mahal Ko mula 1975 to the `90s.  Nagkaroon pa siya ng isa pang public service show, ang Mahal sa IBC-13.

Bago nakilalang TV host si Mahal ay nagsimula siya bilang isang singer-actress noong 1960s at ilan sa mga pelikulang nagawa niya ay ang Langit Pa Rin Kita in 1967, Basta Bisaya in 1970, Mga Ibong Pipit in 1984.

Nagsilbi rin siyang konsehal sa ika-4th district ng Quezon City.

Parehong certified Kapuso sina Kuya Germs at Mahal (Cielito).

Show comments