PIK: Ngayong araw ay ihahatid na ang mga labi ni Kuya Germs sa GMA 7. Sa studio 7 ng Kapuso network ang burol at magkakaroon ng necrological service sa gabi.
Pero nabigo sina Sen. Bong Revilla at Sen. Jinggoy Estrada na humingi ng permiso sa Sandiganbayan na makapagbigay sila ng last respect sa Master Showman.
Naalala pa nina Sens. Bong at Jinggoy na dinalaw sila ni Kuya Germs nung nakaraang Pasko. Malakas pa raw siya at masaya na nakipagkuwentuhan sa kanila.
Parehong ibinasura ang petisyon ng dalawang senador.
PAK: Itutuloy ang hearing sa Congress ngayong hapon sa resolution na ipinasa ni Cong. Dan Fernandez sa imbestigasyon ng pagka-disqualify ng pelikulang Honor Thy Father sa kategoryang Best Picture sa nakaraang Metro Manila Film Festival.
Sabi ni Cong. Johnny Revilla, inaasahang magiging madugo ang imbestigasyon ngayong araw dahil sa mga nalaman nilang isyu sa likod ng disqualification na ito.
Pero hindi lang ang isyung ito, kundi mas marami at mas malala pang rebelasyon ang naungkat.
Sabi nga ni Cong. Alfred Vargas, nakakagalit daw ang mga nalaman nila dahil sa ginawa ng mga taong involved sa MMFF. Nadi-discourage pa raw ang mga filmmaker na gumawa ng matitinong pelikula.
BOOM: Kaugnay pa rin sa nakaraang MMFF, nagkuwento sa amin ang isang kaibigang direktor na may kaibigang artistang kasali sa isang pelikulang entry sa filmfest.
Inimbitahan daw siya ng kaibigan niyang aktor sa special screening ng kanilang pelikula. Proud na proud daw si aktor sa pelikula niya kaya gusto niyang mapanood ng kaibigan niyang direktor. Excited naman si direk dahil mukhang maganda naman daw ang pelikula base sa trailer na napanood niya.
Pagkatapos ng screening, kaagad na tumalilis si direk at hindi na siya nagpakita sa kaibigang aktor. Umiwas siyang matanong ng kaibigan kung nagandahan ba siya sa pelikula. Ayaw naman daw niyang magsinungaling pa.
Nagka-award pa naman ang pelikulang ito.