Mayor Herbert gustong ituloy ang mga pangarap ni Kuya Germs

PIK: Si Sen. Bongbong Marcos ang aminadong isa sa apektado sa pagkawala ni Kuya Germs.

Sa lahat daw na kampanya at activities niya pati ang sa kanyang kapatid at inang si Madame Imelda Marcos ay bahagi raw ang Master Showman. Hindi na raw kailangang pakiusapan si Kuya Germs, dahil nandiyan siya agad para tumulong at binibigay daw ang mga artista niya kung kinakaila­ngan. Nakikita naman kasi kung gaano ka-loyal si Kuya Germs sa Marcos family.

Pahayag ni Sen. Bongbong nang humarap ito sa movie press kahapon; “Gusto niya kasi ang mother ko dahil nagkakasundo sila pagdating sa arts. I think talagang tapat ‘yung pagtulong ng aking mother, pati si Imee pati ang government ng father ko sa pagtulong sa mga artista, we’re talking about artists, painters, musicians and any other form of arts.

“Tumutulong kasi siya sa mga magagaling na artists, at mabait naman talaga na tao si Kuya Germs at maging kaibigan mo talaga eh.

“Masarap pa siyang kasama, matulungin, at very sincere siya.

“Hindi ko ma-describe kung gaano ako kalungkot na wala na si Kuya Germs.”

PAK: Kahit si QC Mayor Herbert Bautista ay gusto ring ipagpatuloy ang mga pangarap ni Kuya Germs sa Quezon City para maging City of Stars.

Noon pa man ay lagi raw silang nag-uusap ni Kuya Germs tungkol sa mga plano niya kagaya ng paglagay ng Welcome to the City of Stars sa Welcome Rotonda ng Q.C., pero kailangan pa raw ‘yan ipa-approve sa National Historical Institute.

Pero ang isa pa raw sa concern ni Mayor Herbert ay ang Walk of Fame na project ni Kuya Germs. Sana raw ay maituloy ito ng kung sino man ang may karapatang humawak nito.

Aniya; “Sana may magtuloy ng Walk of Fame. ‘Yun sana ang pag-usapan kung sino ang puwedeng mag-lead. Baka nga puwedeng Actor’s Guild project ‘yun eh. Hindi ko naman puwede ma-commit ang sarili ko dun eh.”

As much as possible ay sinisikap daw nilang mapanindigan ang slogan na City of Stars, kagaya ng Quezon City Film Development Commission, ang pagsuporta sa mga project ng OPM, at pati ang mga film festivals na ginagawa naman nila sa Q.C. Unti-unti, tinutupad naman daw nila ang pangarap ni Kuya Germs na maging City of Stars ang Quezon City.

BOOM: Mainit ang Congress hearing para sa Resolution na isinumite ni Cong. Dan Fernandez kaugnay sa pagka-disqualify sa kategoryang Best Picture ng pelikulang Honor Thy Father.

Pinamunuan ito ni Cong. Winnie Castelo kasama ang ilang kongresista gaya nina Cong. Alfred Vargas, Cong. Jose Atienza, Cong. Bolet Banal, at Cong. Johnny Revilla.

Mukhang matagal itong pag-uusapan dahil maraming naungkat na isyu sa paghaharap na iyon.

Doon nalaman na hindi dumaan sa audit ng COA kung saan napunta ang kinita ng Metro Manila Film Festival (MMFF).

Pati ang partisipasyon ng ilang miyembro ng Executive Committee sa ilang producers na sumasali sa MMFF.

Masusi raw nilang pag-uusapan iyon at imbestigahan, pero inuna muna ang Resolution na ipinasa ni Cong. Dan Fernandez sa pagka-disqualify ng Honor Thy Father sa Best Picture.

Hinarap ang naturang hearing ng MMDA Chairman Atty. A­merson Carlos kasama ang ilang miyembro ng Executive Committee.

Pero ang isa pang pasabog na inilahad ni Cong. Dan ay ang involvement ng kumpanya ng isang miyembro ng MMFF Executive Committee na si Dominic Du sa producer ng Walang Forever at Buy Now, Die Later na si Atty. Joji Alonzo.

Ito pala ang tinutukoy ni Direk Erik Matti sa mga ipinu-post niya noon tungkol sa isang miyembro daw ng MMFF Executive Committee na isa sa mga co-producer o nag-distribute ng naturang pelikula.

Marami pang isyung mauungkat sa pagpapatuloy ng hearing nito.

Sana may patunguhan ito at magkaroon ng desisyon para maayos na ang susunod na MMFF.

 

Show comments