Female personality may time limit sa ‘pictorial’ sa fans
Sa ibang bansa nag-ugat ang mga kuwentong susunod. Mga kababayan din natin ang nagkukuwento, sila-sila ang nagpipista tungkol sa babaeng personalidad na nakaengkuwentro nila sa bansang matagal na nilang itinuring na pangalawang tahanan, hinding-hindi na nila malilimutan pa ang kilalang female personality.
Nahahati sa apat na isla ang nasabing bansa. Malaki ang bawat isla, kapos ang maghapon para maikot ng mga turista, isa sa mga nakita nila sa isang isla ang female personality na nu’n lang nila nakita nang harap-harapan.
Kuwento ng aming source, “Ayaw nilang maniwala na siya ‘yun, kasi nga, napakalayo ng itsura niya kapag nasa TV. E, alangan namang fully made-up siya sa pamamasyal sa beach, kaya hindi siya gaanong nare-recognize ng mga nakakakita sa kanya.
“Boses lang niya ang nakikilala ng mga kababayan natin, kanyang-kanya lang naman kasi ang boses na ‘yun. Pero kung ang itsura niya ang pag-uusapan, hindi talaga siya makikilala nang minsanan lang,” kuwento ng ating kababayan.
Nakasabay nilang kumain sa isang ipinagmamalaking restaurant sa isla ang pamosong female personality, kasama niya ang kanyang mga anak, saka tatlong staff niya.
“Du’n, maraming Pinoy ang nakakilala sa kanya dahil hindi siya naglalakad, steady lang sila sa table, saka maingay siya. Dinig na dinig ang voice niya sa resto.
“May ilang kababayan nating nagpa-picture sa kanya, nag-pose naman siya, pero ganu’n pala siya talaga? Siya ang bumibilang, one, two, three, go! Tapos, aalis na siya sa frame.
“Buung-buo ang katawan niya dahil siya ang nasa middle, pero ang mga nagpa-picture sa kanya, putol ang mga braso, kalahati lang ng mukha ang nakunan, kasi nga, pumupuwesto pa lang ang mga magpapa-picture sa kanya, e, bumibilang na siya!
“Ang bilis-bilis! So, hindi nabubuo ang picture, siya lang ang buo! Nakakaaliw siya, karakter talaga siya!” tawa nang tawang kuwento ng aming impormante.
Ubos!
Juday never nalilimutan ang karanasan sa That’s Entertainment
Kapag may umalis ay may dumarating. Literal na nangyari ‘yun sa isa sa mga personalidad na natulungan ng yumaong Master Showman, si Judy Ann Santos, sa pagsisilang niya sa kanilang anak ni Ryan Agoncillo na si Luna.
Nagsimula si Juday sa Ula, pero naging poste siya sa That’s Entertainment, mula nu’n hanggang ngayon ay tumatanaw ng utang na loob ang magaling na aktres kay Kuya Germs.
Aminado si Juday na isa sa mga hindi niya malilimutang bahagi ng kanyang karera ay ang mapasama sa mga kabataang tinutulungan ni German Moreno sa That’s Entertainment.
“May weekly competition kasi kami nu’n, every Saturday ginagawa, sobrang aligaga kami sa pagbubuo ng production number para manalo kami. Rehearse kami nang rehearse, masaya ang grupo. Manalo-matalo, okey lang, dahil hindi mababayaran ang saya namin nu’n,” palaging naaalala ng magaling na aktres.
Maraming puso ng mga sikat na personalidad ang hinaplos ni Kuya Germs. Hindi kasi ipinagdamot ng TV host-discoverer-actor-manager ang entablado ng telebisyon kahit kanino.
Basta may nakiusap sa kanya, kasunod na nu’n ang kanyang tulong, kung walang budget ang network para sa baguhan, sa kanyang bulsa nanggagaling ang talent fee, ganu’n kawalang kundisyong tumulong ang nag-iisang German Moreno.
Dahil sa rami ng kanyang natulungang matupad ang mga pangarap ay saksi ngayon ang Mt. Carmel Church sa pagdagsa ng mga nagmamahal sa kanya.
- Latest