Buhos ang mga taong patuloy na nakikiramay sa yumaong showbiz icon, star builder at Master Showman na si German “Kuya Germs” Moreno na kasalukuyang nakaburol sa Mt. Carmel Shrine sa New Manila, Quezon City magmula nung gabi ng January 8, 2016.
Tiyak na masayang-masaya si Kuya Germs sa kanyang kinaroroonan ngayon dahil napatunayan niya na marami ang nagmamahal sa kanya kasama ang kanyang mga anak-anakan mula sa mga nakalipas niyang mga programa sa telebisyon – Daigdig ng mga Artista, Negosyante, Germicide, Germspecial, GMA Supershow, That’s Entertainment, at Walang Tulugan with the Master Showman – all under GMA.
Kumbaga sa isang showbiz event, gabi-gabi ay star-studded at box office hit ang burol ni Kuya Germs sa Mt. Carmel Shrine na tatagal sa nasabing lugar hanggang Martes (Jan. 12) ng gabi. Kinabukasan, Miyerkules, January 13 ay ililipat naman siya sa studio ng Walang Tulugan with the Master Showman sa GMA Annex Bldg. for an overnight vigil at saka siya ihahatid sa kanyang huling hantungan sa Loyola Memorial sa Marikina City kinabukasan, January 14.
Noong Sabado ng gabi ay nagkaroon ng live presentation ang Walang Tulugan with the Master Showman na ginawa sa grounds ng Mt. Carmel Shrine kung saan nagpaunlak ng special song numbers ang Asia’s Queen of Song na si Pilita Corrales, ang Asian Diva na si Dulce and son David, ang Concert King na si Martin Nievera, ang Walang Tulugan… mainstay na si Michael Pangilinan at iba pa. Nagsidatingan din ang ibang mga anak-anakan ni Kuya Germs tulad nina Jackielou Blanco, Mariz, Jean Garcia, at iba pang talents ng That’s Entertainment tulad nina Ara Mina, Sheryl Cruz, Jaypee de Guzman, Assunta de Rossi, Lovely Rivero, Romano Vasquez at marami pang iba.
Kung sina Susan Roces, Gloria Romero, Nora Aunor, Lorna Tolentino, AiAi delas Alas, Zoren Legaspi, Carmina Villarroel, Gelli de Belen, Randy Santiago, Ralph Fernandez, Manilyn Reynes, Tina Paner, ang mag-amang Niño at Alonzo Muhlach at marami pang iba ay namataan sa unang gabi ng burol, si Madam Imelda Romualdez-Marcos naman ang nanguna sa maraming personalidad na dumalo sa ikalawang gabi.
Lubos ang pasasalamat ng pamilya ni Kuya Germs sa pamamagitan ng kaisa-isa niyang anak na si Federico Moreno at pamangking si John Nite sa overwhelming na suporta na ipinakita sa Master Showman.
Although nawalan ng pillar ang kanilang pamilya at maging ang showbiz sa pagkawala ni Kuya Germs, umaasa ang magpinsang Federico at John na maipagpapatuloy ang mga sinimulan ni Kuya Germs noong ito’y nabubuhay pa at kasama na rito ang taunang pagkilala niya sa iba’t ibang personalidad in showbiz sa kanyang sinimulang Stars Walk of Fame sa Eastwood City in Quezon City na kanyang huling ginawa last December 1 para sa ikasampung taon ng kanyang proyekto.
Noong nabubuhay pa si Kuya Germs ay matagal na niyang goal na gawing City of Stars ang Quezon City dahil sa nasabing siyudad na katayo ang tatlong major TV networks tulad ng ABS-CBN, GMA, at TV5 at maging ang PTV-4, RPN9, at IBC-13 at iba pang independent TV stations. Nasa Quezon City rin ang karamihan ng studio ng iba’t ibang film outfits maging ang mga radio stations at record companies.
Makailang beses na rin niyang kinatok si QC Mayor Herbert Bautista na may kinalaman sa pagpapasa ng isang ordinance sa konseho na ito’y maipatupad.
“Kung ang Amerika ay may Hollywood, gawin nating City of Stars ang Quezon City,” hiling niya pero hanggang sa kanyang paglisan ay hindi ito nangyari.
Ang isa pang gustong tulungan noon ni Kuya Germs na maibalik sa dati ay ang isa pang landmark ng Maynila, ang Metropolitian Theater na tuluyan nang napabayaan ng ating pamahalaan.